Pinalalakas ng National Food Authority (NFA) ang pagbili at pamamahagi ng bigas habang binibilisan ang modernisasyon ng mga pasilidad nito.
“Pinatunayan ng NFA ang kahalagahan nito sa pagtulong na matugunan ang pangangailangan ng ating bansa sa bigas—hindi lamang sa panahon ng mga emergency at kalamidad, kundi araw-araw, dahil kailangang magkaroon ang mga pamilyang Pilipino ng access sa de-kalidad at abot-kayang bigas,” pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa ika-54 anibersaryo ng ahensya.
Noong September 18, umabot na sa 278,444 metric tons (MT) ng milled rice ang imbentaryo ng NFA, katumbas ng pitong araw na suplay batay sa daily consumption requirement.
Mula January hanggang September 2026, nakabili ang ahensya ng 92,032 MT ng palay sa P27 hanggang P30 kada kilo at nakapamahagi ng 207,648 MT ng bigas. Sa kabuuang distribution, 126,737 MT ang inilaan sa P20 rice program, habang 28,983 MT ang iniulat na rice releases.
Sa ilalim ni NFA Administrator Larry Lacson, sinusuportahan din ng ahensya ang Benteng Bigas Meron Na program ni President Ferdinand Marcos Jr.
Nakapaglingkod ang NFA sa 14,292 individual farmers at 822 miyembro ng farmers’ organizations at cooperatives. Naproseso rin nito sa itinakdang panahon ang 99 porsiyento ng requests para sa emergency stocks, habang 99.986 porsiyento ng buffer stocks ang nanatiling maayos at ligtas kainin.
Pinalawak din ang pinapayagang moisture content sa palay procurement para makatulong sa pagprotekta sa kita ng farmers. Nagtala naman ang NFA ng 99.36 porsiyentong customer satisfaction sa 2026 Client Satisfaction Measurement Survey.
Rumaratsada na rin ang modernization program ng mga pasilidad ng NFA.
Nasa P10.363 bilyon ang inilaan para sa 36 modern facilities at pagsasaayos ng 128 warehouses. Sa mga bodega, 100 na ang naayos o na-rehabilitate. Nakakuha rin ang NFA ng ¥1.7-bilyong grant para sa Cauayan Rice Processing project.
Nakalap naman ang tinatayang P1.1 bilyon mula sa competitive auction ng 39,597 MT ng lumang rice stocks, kasabay ng pagluluwag ng warehouse space para sa palay mula sa main harvest.
Kasama rin sa modernization program ang 150 delivery at cargo trucks, 47 administrative vehicles at pinalawak na Tonner Bag System.
“Pinupuri ko ang NFA para sa mga makabagong hakbangin nito at sa matibay nitong pagsisikap tungo sa modernisasyon,” ani Laurel.
Target aniya ang NFA na “mas matatag sa pananalapi, mas episyente, at mas mabilis tumugon” sa pagbabago ng grain industry. /Bistado


