Dagdag P60 na sa arawang minimum wage ng tinatayang 1.1 milyong manggagawa sa Metro Manila simula ngayong Sabado, September 26.
Ganap nang epektibo ang Wage Order No. NCR-28 na nag-akyat sa minimum wage ng non-agricultural workers sa National Capital Region mula P695 patungong P755 kada araw.
Para naman sa mga manggagawa sa agriculture, retail at service establishments na may 15 empleyado pababa, at manufacturing establishments na regular na may mas mababa sa 10 manggagawa, umakyat ang minimum wage mula P658 sa P718 kada araw.
Kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino ang pagpapatupad ng bagong rates sa sidelines ng paglulunsad ng TUPAD-based “Trabahong-Dagat and Blue Enterprise Development” project sa Intramuros, Manila.
“Here we have shown the significance of a tripartite mechanism where the government, the employers’ groups and the employees’ groups are united to promote and elevate the dignity of the Filipino worker and also show that with this unity, we can promote a sustainable economy here in the NCR,” sabi ni Tolentino.
Dumaan ang dagdag-sahod sa tripartite wage-setting process ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR at kinumpirma ng National Wages and Productivity Commission.
Kasabay ng pag-arangkada ng P60 increase, inatasan ni Tolentino ang mga employer na mahigpit na sundin ang bagong minimum wage rates.
Kailangan ding matiyak ng mga kumpanya na naka-reflect sa kanilang payroll at compensation systems ang itinakdang dagdag-sahod.
Patuloy namang babantayan ng DOLE ang pagsunod ng mga employer sa wage order at magbibigay ng guidance sa mga manggagawa at negosyo para sa tamang pagpapatupad nito. /Bistado


