Mas maraming palay ang target bilhin ng National Food Authority (NFA) sa mga lokal na magsasaka habang pinalalawak ang warehouse capacity para suportahan din ang P20 kada kilong bigas ng gobyerno.
Uupahan ng NFA ang 1,782 square meters na warehouse space ng SL Agritech Corp. sa Barangay Masalasa, Victoria, Tarlac. Kasya rito ang tinatayang 100,000 sako ng palay at inaasahang magagamit simula October 1.
“Ang bawat karagdagang espasyo sa bodega ay nagbibigay sa atin ng mas malaking kakayahang bumili ng palay mula sa ating mga magsasaka sa makatuwirang presyo. Nais nating magkaroon ang NFA ng sapat na kapasidad upang makabili ng mas malaking bahagi ng ani habang tinitiyak na may nakahandang pamilihan para sa kanilang mga produkto,” sabi ni Agriculture Secretary at NFA Council Chairman Francisco Tiu Laurel Jr.
Malaking rice-producing area ang Victoria, ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng palay sa Tarlac. Nagtala ito ng 45,642.85 metric tons (MT) noong pangunahing anihan ng 2026, habang umabot sa 445,553.50 MT ang produksyon sa buong lalawigan.
Bahagi ang uupahang warehouse ng 3,382-square-meter facility na may kapasidad na humigit-kumulang 166,000 sako. May rice mill, limang mechanical dryer, conveyor at truck scale para matanggap, matuyo at maitago ang palay sa iisang lugar.
“Sa pamamagitan ng mga karagdagang inuupahang bodega at sa napaluwag na espasyo mula sa umiiral na imbentaryo, tinitingnan namin ang posibilidad na makabili ng hanggang 500,000 metriko tonelada ng palay,” ani NFA Administrator Larry Lacson.
Makadaragdag din ang mas malaking procurement sa suplay para sa Benteng Bigas, Meron Na! program, kung saan maaaring iproseso at ibenta sa subsidized government channels ang locally produced rice.
Nagpapaluwag din ng warehouses ang NFA sa pagbebenta ng lumang rice stocks. Noong February, halos 90 porsiyento ng stocks ang naibenta sa auction, na nakalikom ng P936.5 milyon at nagbukas ng espasyo para sa bagong ani.
Inaasahang makatutulong ang bagong warehouse capacity sa tinatayang 874 farmers sa Victoria at kalapit na bayan. Sa kasalukuyan, 4.30 porsiyento lamang ng palay sa Tarlac ang nabibili ng NFA. /Bistado


