Aarangkada ang 29 farm-to-market road projects na nagkakahalaga ng P430 milyon sa Mimaropa para mas mapabilis ang pagdadala ng ani mula sa mga sakahan patungo sa merkado.
Lumagda ang Department of Agriculture (DA) Mimaropa at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Memorandum of Agreement noong Lunes, September 28, sa DPWH Regional Office sa Quezon City.
Popondohan ang mga proyekto sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act ng DA.
Target ng mga bagong kalsada na ikonekta ang agricultural production areas sa mga pamilihan at pangunahing road networks. Inaasahang mababawasan din ang transportation at logistics constraints na kinakaharap ng farmers sa rehiyon.
“Ang farm-to-market road ay ay makakatulong ng direkta sa ating mga magsasaka upang mas mapadali at mapabilis ang pagdadala ng kanilang ani sa pamilihan. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan natin sa DPWH, nais nating matiyak na ang mga proyektong ito ay maipatutupad nang maayos at tunay na mapapakinabangan ng ating mga agricultural communities,” sabi ni DA-Mimaropa Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas.
Sa ilalim ng kasunduan, ililipat ng DA sa DPWH ang pondo batay sa approved project milestones at matapos ang submission, validation at acceptance ng kinakailangang technical, physical at financial reports.
Hindi rin isang bagsakan ang P430 milyon. Ilalabas ang pondo sa hindi bababa sa tatlong tranche para mabantayan ang implementation at paggamit nito.
Magtutulungan ang DA-Mimaropa at DPWH para matiyak na pasok sa technical standards at project requirements ang 29 farm-to-market roads.
Sa panig ng DA-Mimaropa, pinangunahan ni OIC-Regional Technical Director for Operations Ronald Degala, bilang kinatawan ni Bañas, ang paglagda sa MOA.
Dumalo rin ang mga opisyal at district engineers ng DPWH mula Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Romblon at Southern Mindoro
Sa P430-milyong road projects, target ng gobyerno na mapabilis ang biyahe ng agricultural products at gawing mas madali para sa mga magsasaka sa Mimaropa ang pag-abot sa mga pamilihan. /Bistado


