Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mga beterano laban sa bagong salta sa PBA Governors’ Cup

Magiging kombinasyon ng mga beterano at mga bagong mukha ang mga import na lalahok sa PBA Governors’ Cup na magsisimula sa Hulyo 10.

Mananatili ang naturalized Filipino na si Justin Brownlee para sa Barangay Ginebra habang hangad ng koponan na makamit ang magkasunod na kampeonato matapos ang kanilang titulo sa katatapos lamang na Commissioner’s Cup.

Ang iba pang mga beteranong import na magbabalik ay sina Aaron Fuller para sa Rain Or Shine, DeQuan Jones ng NLEX at si George King ng San Miguel, na pinakawalan ng Blackwater.

Tulad ni Brownlee, naglaro rin ang tatlong ito sa parehong kumperensiya noong Season 49.

Tinulungan ni Fuller ang Elasto Painters na makarating sa semifinals, ngunit natalo sila sa TNT Tropang 5G noong nakaraang taon.

Naging sapat naman ang kontribusyon ni Jones upang maihatid ang Road Warriors sa playoffs, habang ipinakilala ni King ang sarili sa liga bilang isang eksplosibo at mahusay na shooter na import na minsang umiskor ng 64 puntos para sa Bossing.

Kinuha naman ng Blackwater ang dating Indonesian Basketball League (IBL) Most Valuable Player (MVP) na si Kentrell Barkley, dadalhin ng guest team na Macau si Will Douglas, pinili ng Phoenix si BJ Johnson at kinuha ng Magnolia si KJ Buffen.

Bukod sa kanyang dominanteng pagpapakita sa IBL, naging MVP rin si Barkley sa Vietnam Basketball Association noong 2023 habang naglalaro para sa Saigon Heat, na kampeon ng torneo.

Si Douglas ay matagal nang naglalaro sa Chinese Basketball Association at mahusay na scorer para sa Guangzhou Loong Lions.

Si Johnson, 30 taong gulang, ay produkto ng Syracuse at nagkaroon din ng mga na-unang stint sa National Basketball Association (NBA) para sa Orlando, Sacramento at Atlanta.

Ang 26-anyos na si Buffen ay bagong tapos sa paglalaro sa IBL para sa RANS PIK.

Ibabalik naman ng nagdedepensang kampeon na TNT ang tatlong beses na Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson sa huling bahagi ng kumperensiya, habang ang dating NBA player na si Darius Days ang magsisimula ng kampanya ng Tropang 5G.

Kasalukuyan pa rin nagpapagaling si Hollis-Jefferson mula sa napunit na kanang Achilles tendon at hindi pa makababalik sa aksiyon hanggang sa huling bahagi ng Oktubre.

Samantala, ang Game 7 ng katatapos lamang na Commissioner’s Cup Finals sa pagitan ng Ginebra at TNT ay nakamit ang pinakamataas na television rating sa lahat ng sporting events ngayong 2026, ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng PHINTAM (Philippine National TV Audience Measurement).

Nagtala rin ang Game 7 ng pinakamalaking attendance sa PBA sa Mall of Asia Arena sa Pasay City na umabot sa 24,617 katao at nakakuha ng rating na 4.53% o tinatayang 3.2 milyong manonood na sabay-sabay na tumutok sa laban.

Umabot ito sa pinakamataas na antas pagpatak ng 9:59 p.m. habang papasok na sa huling yugto ang winner-take-all game, na may 4.42 milyong manonood o katumbas ng 6.29% rating.

Sa huli, pinatalsik ng Ginebra ang TNT sa trono sa iskor na 88-76 upang makamit ang unang kampeonato sa liga sa loob ng tatlong taon.

Sa kabuuan, nagtala ang buong finals series ng average rating na 3.9% o katumbas ng humigit-kumulang 2.75 milyong manonood.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles