Pinaghahandaan na ng Gilas Pilipinas, ang pambansang koponan ng men’s basketball, ang ikatlong window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa pamamagitan ng isang linggong training camp sa Brisbane, Australia.
Umalis ang labindalawang manlalaro ng Gilas Pilipinas patungong Australia nitong Martes ng hapon, kasama si coach Tim Cone.
“We’ll be there (Brisbane) for four days before we proceed to New Zealand,” ani Cone noong Lunes sa bukas na ensayo para sa mga tagahanga ng Gilas sa Playtime Filoil Centre sa San Juan City.
Maglalaro ang Gilas ng dalawang friendly games sa Hunyo 28 at 29, kabilang ang isa laban sa National Basketball League team na Brisbane Bullets, na tumutulong sa paghahanda ng mga Pilipino para sa kanilang mga laro sa labas kontra sa New Zealand Tall Blacks at Australia Boomers.
“Brisbane Bullets are helping us out in terms of lending their facilities to us. So we’re going to take full advantage of it and try to acclimate to the (cold) weather,” ani Cone.
Maliban kay Kevin Quiambao, na hindi nakasama sa ensayo dahil sa personal na dahilan, dumalo ang iba pang 11 manlalaro kabilang ang mga bagong miyembro na sina Mike Philips, Justin Baltazar, Troy Rosario at Juan Gomez De Liano.
Si De Liano ang pumalit sa nasugatang si Scottie Thompson ng bagong PBA Commissioner’s Cup champion Barangay Ginebra.
Nakipag-ensayo din sina Justin Brownlee, RJ Abarrientos, Chris Newsome, June Mar Fajardo, AJ Edu, Carl Tamayo at Dwight Ramos.
Makakatulong ni Cone sina Jong Uichico, Sean Chambers at LA Tenorio.
Taglay ang patas na rekord na 2-2 sa Group A at nakasisiguro na ng puwesto sa ikalawang yugto ng qualifiers, haharapin ng Gilas ang New Zealand sa Hulyo 3, bago lumipad patungong Australia para sa laro sa Hulyo 6.
Kasalukuyang nangunguna ang Australia sa grupo na may perpektong rekord na 4-0. Tabla naman ang New Zealand at Pilipinas sa 2-2, habang nasa huling puwesto ang Guam na may kartadang 0-4.


