Pasok sa green activities ang lahat ng 2025 revenue at 96 porsiyento ng investments ng Maynilad Water Services Inc., ayon sa external review ng S&P Global Ratings.
Nakakuha ang water concessionaire ng Philippine Green Equity Label matapos suriin ng S&P ang alignment nito sa requirements ng naturang designation.
Nakatuon ang assessment sa water supply at wastewater operations ng Maynilad sa West Zone ng Greater Metro Manila at Cavite. Kinilala rito ang environmental benefits ng pagpapalawak ng serbisyo, wastewater treatment at pagtugon sa infrastructure gaps.
Pero hindi lahat ng investments ng Maynilad ay green-aligned.
Kabilang sa hindi pumasa ang ilang gastusing sumusuporta sa operasyon, gaya ng fossil-based electricity at fuel para sa mga sasakyan.
Hamon din ang non-revenue water o tubig na nawawala bago masingil sa customers.
Mula 66.4 porsiyento noong 2006, bumaba ito sa humigit-kumulang 30 porsiyento pagsapit ng kalagitnaan ng 2026 kasunod ng investments sa pipeline modernization. Mataas pa rin ito kumpara sa peers, ayon sa S&P.
Target ng Maynilad na ibaba ang non-revenue water sa 25 porsiyento sa 2027 at 20 porsiyento sa 2030.
Tinututukan din ng kumpanya ang ibang water sources para mabawasan ang pagdepende sa Angat Dam. Kabilang dito ang New Water Initiative na gumagawa ng potable water mula sa treated used water.
Pinalalawak din ng Maynilad ang wastewater treatment sa mga lugar na kulang sa sanitation services.
Sa energy use, target nitong manggaling sa renewable sources ang 35 porsiyento ng energy mix pagsapit ng 2037. Itinuring ng S&P na ambitious ang target dahil malaki pa rin ang pagdepende ng Pilipinas sa fossil fuels. Bumaba rin ang renewable-energy share ng Maynilad noong 2025.
Nananatiling pangunahing water source ang Angat Dam. Makadaragdag naman sa supply diversification ang Kaliwa Dam, pero tinukoy sa assessment ang environmental at social risks nito, kabilang ang land-use changes, biodiversity impacts at mas mataas na energy use.
Nilinaw ng S&P na hindi credit rating ang external review at hindi nito sinusukat ang credit quality ng Maynilad.
Point-in-time assessment din ito batay sa impormasyong ibinigay ng kumpanya.
Ibig sabihin, sinusukat ng designation ang bahagi ng revenue at investments ng Maynilad na nakaayon sa green activities, hindi ang pagiging green ng bawat bahagi ng operasyon nito. /Bistado


