Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

VP Sara at asawa, may 51 baril; ‘wantusawa’ gun ownership kinuwestiyon

Wantusawang bangbang!

Ganyan inilarawan ng ilang senador ang sitwasyon matapos mailahad na may 51 baril na may pinagsamang current market-survey price na P7,220,370 ang nakarehistro kina Vice President Sara Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio.

Kaugnay nito, kinuwestiyon ni Senator-Judge Raffy Tulfo kung bakit walang takdang maximum na bilang ng baril ang isang Type 5 gun collector.

Iniharap ni Police Maj. Joericson Sangalang ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office ang certification at firearm records ng mag-asawa sa Senate impeachment trial.

Nasa pangalan ni Duterte ang 22 firearms, binubuo ng 14 pistols, dalawang revolvers, limang rifles at isang shotgun. Tatlo sa rifles niya ang classified bilang Class A light weapons.

May 29 naman si Carpio, kabilang ang 16 pistols, dalawang revolvers, isang shotgun at 10 rifles. Isang firearm sa kanyang records ang marked as expired at isang rifle ang Class A light weapon.

Pareho silang Type 5 License to Own and Possess Firearms holders at certified gun collectors.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10591, puwedeng magkaroon ang Type 5 certified gun collector ng mahigit 15 registered firearms. Hindi tulad ng Types 1 hanggang 4, walang nakatakdang numerical maximum sa Type 5.

Dito napatanong si Tulfo.

“Nagtataka lang ako. Hindi ko alam na puwede palang mag-own as many firearms as you can,” sabi niya.

“Puwede pala ang wantusawa—up to 50, 60, 70, 100. You’re allowed to do that pala. I didn’t know that,” dagdag niya. “I thought may limits, certain limits that you can own, especially the high-powered guns na pinapakita roon.”

Tinukoy din niya ang ilang rifles sa PNP certification.

“Those are high-powered—Bushmaster, HK,” ani Tulfo.

Ipinaliwanag ni Sangalang na iba ang restrictions sa ordinary registrable firearms at Class A light weapons.

“Hangga’t hindi siya pumapasok sa Class A light weapons, maaari silang magkaroon basta LTOPF Type 5 sila. Walang limitation as long as nakarehistro ito palagi,” sabi niya.

Hindi sinabi ni Sangalang na paglabag sa batas ang dami ng registered firearms. Sa Class A light weapons, generally ipinagbabawal ng RA 10591 ang bagong acquisition ng private citizens, pero may exception para sa qualified private owners na legal nang nagmamay-ari nito bago nagkabisa ang batas.

Kasabay nito, inilatag ng PNP ang current market-survey prices ng koleksiyon.

Nasa P2,184,550 ang 22 firearms ni Duterte at P5,035,820 ang 29 kay Carpio.

“Ito po ay based on market survey na ginawa po ng aming opisina,” ani Sangalang.

“As of today po. Nakalagay po sa baba ng certification po namin,” dagdag niya.

Kabilang sa entries kay Duterte ang M&P 9 compact pistol na P99,000, Winchester rifle na P120,000, STI Legend pistol na P167,000 at tatlong Bushmaster rifles na P200,000 bawat isa. Nasa P300,000 naman ang isang HK rifle.

Sa listahan ni Carpio, P320,000 ang Metro pistol, P600,500 ang APC rifle at P900,000 ang HK416 rifle.

Pero nilinaw ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na “market survey of the price of the guns” ang figures at “not necessarily the acquisition cost of these guns.”

Hindi alam ni Sangalang ang aktuwal na acquisition cost. Hindi rin nakasaad sa certification ang manufacturing year ng bawat firearm. Kaya hindi ipinakikita ng P7.22 milyon kung magkano ang aktuwal na binayaran, kung bago o secondhand ang mga baril, o kailan nakuha ang mga ito.

Hindi na nag-cross-examine ang defense.

“Since the honorable presiding officer already established that the testimony was on market value and not the acquisition cost, nothing to cross, Your Honor,” sabi ni defense counsel Atty. Carlo Joaquin Narvaza.

Umabot din ang usapan sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) disclosure.

“Para sa akin, siguro palitan natin ang pagde-declare ng firearms sa ating SALN. Instead na ilagay sa personal properties, ilagay na lang na itemized, tulad ng ginagawa ko, para hindi magkaroon ng kalituhan tulad ng nangyari ngayon,” ani Tulfo.

Binanggit naman ni House prosecutor at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora ang guideline na nagsasabing: “Personal property registered with the appropriate government agencies, such as but not limited to motor vehicles, boats, aircraft and firearms, shall be declared individually.”

Iginiit ni Narvaza na mula ito sa 2025 Civil Service Commission rules na, ayon sa kanya, para lamang sa SALNs na isusumite simula 2026. Hindi niresolba ng impeachment court ang disagreement.

Tinalakay rin ang safekeeping. Sa ilalim ng RA 10591, kailangang ligtas ang storage ng firearms, habang may inspection at bond requirements ang higher license categories.

“Kailangan po mayroon talaga silang vault, at required po na ma-inspect ito,” ani Sangalang.

Hindi niya sinabing personal niyang ininspeksiyon ang vault ng mag-asawa.

“Sa bilang po ng mga baril nila, technically po hindi po siya magkakasya sa isang normal-size na vault,” sabi niya. “Nangangailangan pa rin po ito siguro ng malaking vault o marami.”

Naglatag din si Tulfo ng hypothetical concern sa kawalan ng numerical ceiling sa Type 5.

“Ang isang tao, puwedeng magtayo ng private army,” sabi niya. “Puwede siyang maglagay ng isang armory at mag-hire ng mga goons, at pagdating ng eleksyon, gagamitin niya iyong mga baril na iyon para sa tinatawag niyang private army.”

Sentro pa rin ng prosecution evidence ang hiwalay na tanong kung maayos na na-reflect sa sworn SALNs ni Duterte ang firearms at kaugnay na halaga nito. Hindi pa nagpasya ang impeachment court sa usaping iyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles