Sa napag-alaman ng BISTADO, tila hindi na nga mapapanood sa Bilyonaryo News Channel ang programa ni Matteo Guidicelli na Matteo G Primetime
Sa mga naglabasang balita nitong weekend, marami ang nagtataka kung bakit mismong ang aktor-host na si Matteo ang nag-promote ng kanyang latest episode hindi sa Bilyonaryo platform kundi sa kanyang personal na Youtube channel lamang.
“Anyare?” tanong ng netizen na naaliw sa pagiging magaling na talk show host ni Matteo. Katunayan nga diyan ang mga nag-viral na episodes niya kasama ang mga naging guests ng show na sina Piolo Pascual, Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, Erwan Heussaff at Nico Bolzico.
Ang last episode na dapat ay ipapalabas sa BNC ay ang interview niya sa mag-asawang sina Kim Molina at Jerald Napoles, subalit nitong Mayo 30, bigla na lang nagulat ang marami nang i-promote ito ni Matteo sa naturang Youtube channel niya.
Sunod-sunod ang posts niya sa kanyang mga socmed accounts na IG at Tiktok na nag-iimbita sa mga followers at netizens na panoorin ang naturang interview sa mag-asawa sa kanyang sariling Youtube channel at hindi sa BNC.
Naglabasan din ang mga espekulasyon na marahil ay nagkaroon ng isyu ang ginawang promo ni Matteo sa TV5 program na Frontline Pilipinas last May 28, kung saan nga prinomote niya ang isang documentary na kanyang ginawa para sa TV5.
Ang 12-series documentary na may pamagat na “PATRIOTS” ang dokyu na prinodyus ng TV5 para sa kanya na isang reservist na may ranggong Second Lieutenant sa Phil. Army ng Armed Forces of the Phils.
Diumano ayon sa isang source ng BISTADO, hindi ito pormal na naipagpaalam ng aktor-host sa BNC, kung saan bahagi din ng kontrata ni Matteo ang pagiging bahagi ng isang news program sa BNC na katapat ng Frontline Pilipinas.
May mga nagpaparatang naman na mabilis umanong lumaki ang ulo ni Matteo dahil sa biglaang pagbulusok ng kanyang hosting talent dahil sa kanyang programa sa BNC. Lahat kasi ng mga episodes niya ay laging nag-viral at pinag-uusapan ng marami.
To the rescue naman ang minsan din niyang nakasama sa GMA 7 Unang Hirit program na si Susan Enriquez sa mga bashing kay Matteo, na nag-aakusa ditong “pasaway, matigas ang ulo at mahirap katrabaho”
Pagtatanggol ng kilalang news anchor-host na si Susan sa aktor-host, “not true.”
Nitong April 11, 2026 lamang nagsimulang umere sa Bilyonaryo News Channel ang Matteo G Primetime pero noong October 2025 siya pumirma ng kontrata sa BNC at naging bahagi nga ng news program na Agenda kasama sina Pinky Webb, Willard Cheng at Korina Sanchez.


