Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Markets, kalmado sa gitna tensyon sa Middle East

Ipinakita ng galaw ng global markets na nananatiling kalmado ang mga investor kahit may umiiral na tensyon sa Middle East.

Tumaas ang global equities nitong Huwebes habang tila binale-wala ng merkado ang mga panganib mula sa nagpapatuloy na sigalot sa rehiyon. Ayon sa datos, ang volatility index o VIX ay nagsara sa 17.94, halos kapareho ng 17.93 noong February 25, ilang araw bago ang airstrike ng US at Israel sa Iran.

Ang pagbabalik sa ganitong antas ay indikasyon na inaasahan ng mga trader na mananatiling kontrolado ang mga panganib sa maikling panahon, kahit may blockade sa Strait of Hormuz at patuloy ang kawalan ng katiyakan sa Iran.

Nagpatuloy din ang pag-akyat ng pangunahing US stock indexes. Nagtala ng panibagong record ang S&P 500 at Nasdaq Composite, habang umabot sa ika-12 sunod na araw ng pagtaas ang Nasdaq. Bahagya ring umakyat ang Dow Jones Industrial Average.

Pinapalakas ang kumpiyansa ng mga investor ng mga development sa diplomasya, kabilang ang mungkahing 10-day ceasefire sa pagitan ng Israel at Lebanon, at ang posibilidad ng pag-uusap ng mga opisyal ng US at Iran sa mga susunod na araw.

Ang VIX, na inilunsad noong 1993 ng Chicago Board Options Exchange at ngayon ay pinangangasiwaan ng Cboe Global Markets, ay sumusukat sa inaasahang galaw ng merkado sa loob ng 30 araw batay sa S&P 500 options. Itinuturing ito bilang sukatan ng sentimyento ng merkado.

Kapag lumampas sa 30 ang VIX, karaniwang indikasyon ito ng matinding takot sa merkado. Kapag nasa ibaba naman ng 20, itinuturing itong senyales ng mas kalmado at stable na kondisyon. Ang kasalukuyang antas na 17.94 ay nagpapakita ng mas maayos na pananaw ng merkado.

Sa oil market, mas maingat ang galaw ngunit hindi pa rin umaabot sa antas na indikasyon ng krisis. Ang Brent crude ay nasa ilalim lang ng USD100 kada bariles, habang ang West Texas Intermediate ay nasa paligid ng USD93. Ang Dubai crude naman ay nasa humigit-kumulang USD105.

Bagamat mataas ang presyo ng langis, nananatili itong mas mababa kumpara sa antas na karaniwang nakikita sa panahon ng malalang supply disruption.

Sa kabila nito, kapansin-pansin ang pagitan ng aktuwal na sitwasyon sa geopolitics at ng reaksyon ng merkado. Sa pagbabalik ng volatility sa antas bago ang airstrike, tila tinataya ng mga investor na humupa na ang pinakamatinding bahagi ng krisis.

Gayunman, nananatiling sensitibo ang merkado sa anumang pagbabago sa diplomatic developments, na maaaring magdulot muli ng paggalaw sa presyo at sentimyento ng mga investor. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles