Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PH, sumali sa Pax Silica; planong Luzon security zone inilatag

Pormal nang sumali ang Pilipinas sa Pax Silica, isang US-led supply chain initiative, ayon sa US State Department noong April 16, kasabay ng planong pagtatayo ng Economic Security Zone sa Luzon.

Sa isang signing ceremony, inanunsyo ni US Undersecretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg ang planong magtayo ng 4,000-acre o mahigit 1,600 ektaryang Economic Security Zone sa loob ng Luzon Economic Corridor.

Layunin ng hub na tiyakin ang suplay ng critical inputs para sa US at global supply chains at magsilbing sentro ng advanced manufacturing investments sa rehiyon.

Ito rin ang unang lugar na magkakaroon ng “Economic Security Zone” designation sa Pilipinas, na inaasahang makakaakit ng AI-driven industries at next-generation manufacturing sa ilalim ng Pax Silica framework.

Nilagdaan ni Department of Trade and Industry Undersecretary Ceferino S. Rodolfo ang deklarasyon para sa pagsali ng bansa sa inisyatibo.

Ang Pax Silica ay nakatuon sa pagbuo ng secure at innovation-led na silicon ecosystem, na sumasaklaw sa critical minerals, semiconductors, energy inputs, AI infrastructure, at logistics.

Ayon sa mga opisyal, inaasahang mapapabilis ng Luzon zone ang produksyon ng mahahalagang inputs at magsisilbing plataporma para sa allied manufacturing. Ang pagbuo nito ay ibabatay sa demand ng merkado, lakas ng industriya ng Pilipinas, at pangangailangan ng partner economies.

Gagamitin din ang strategic location ng Pilipinas sa Indo-Pacific, kasama ang skilled workforce at reserba ng nickel, copper, chromite, at cobalt, habang isinasama ang global standards sa governance at regulation.

Itinuturing ang proyekto bilang unang bahagi ng planong network ng magkakaugnay na hubs na layong palakasin ang supply chain resilience at bawasan ang pagdepende sa iilang production centers.

Sa pagsali sa Pax Silica, naging ika-13 signatory ang Pilipinas sa grupo ng mga kaalyado ng US mula sa Europe, Middle East, at Indo-Pacific.

Nauna nang iniulat na pinag-aaralan ng Pilipinas ang pagsali sa inisyatibo bilang bahagi ng hakbang para palakasin ang semiconductor at electronics manufacturing sector at makahikayat ng pamumuhunan sa high-value industries. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles