Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mag-amang Duterte, sentro ng atensyon ngayong Miyerkules sa magkaibang dahilan

Dalawang magkaibang entablado, iisang apelyido.

Tiyak na tutok ang buong bansa ngayong Miyerkules, April 22 sa mag-amang Rodrigo at Sara Duterte dahil sa magkaibang rason.

Sa Kamara, magpapatuloy ang impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte. Sa The Hague, maglalabas ng desisyon ang Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) sa jurisdiction challenge ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ICC, itinakda ang paglalabas ng hatol alas-11 ng umaga sa The Hague, o alas-5 ng hapon sa Maynila. Tatalakayin dito ang apela ni Duterte sa desisyon ng Pre-Trial Chamber I noong Oktubre 23 na nagbasura sa kanyang hamon sa hurisdiksyon ng korte.

Pinagtatalunan sa apela kung kailan nagsimula ang proseso ng ICC. Ayon sa depensa, nagkamali ang pre-trial chamber nang sabihing “under consideration” na ang kaso bago pa umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019. Ang Appeals Chamber, na binubuo ng ibang hanay ng mga hukom, ang magpapasya kung mananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.

Sinabi ng abogado ng mga biktima na mahalaga ang desisyong ito.

“Wala pang ruling ever ang ICC with respect to jurisdiction in a withdrawal so magiging first time ito. This is a case of first impression,” ani Atty. Gilbert Andres.

“Napakahalaga siya kasi una, dedesisyunan kung ano ba ang epekto ng withdrawal. Basta-basta na lang bang makaka-withdraw ang state party kung ayaw niya sa imbestigasyon ng ICC at yun na?” dagdag niya.

Sa Kamara naman, inaasahang magiging mas mabigat ang pagdinig laban kay Vice President Sara Duterte.

“Mas mabigat ang susunod na pagdinig sa impeachment ng pangalawang pangulo dahil wala nang star witness na pag-uusapan. Hindi na mga personalidad ang sentro ng usapan—mga dokumento na mismo ang magsasalita,” ani House Committee on Public Accounts Chairperson Terry Ridon.

Ayon kay Ridon, SALN, income tax returns, corporate records, at bank transactions ang pagtutuunan ng pagsusuri para alamin kung may “significant discrepancy” sa yaman ng Bise Presidente.

“Kung may malaking pagkakaiba mula sa P88 million base sa ITR, bank records, at financial statements ng SEC, may problema na ‘yun,” aniya.

Dagdag pa niya, “Kung makita ng komite na ang totoong kayamanan ng pangalawang pangulo ay halos doble na ng kanyang SALN, malinaw na puwede itong maging sapat na batayan para sa probable cause ng unexplained wealth.”

Kasabay nito, pinatitindi rin ang panawagan na humarap ang Bise Presidente sa pagdinig.

“Ang kailangan ng publiko ngayon sa impeachment, under oath para sa katotohanan at hindi no-show,” ani Deputy Speaker Paolo Ortega V.

“Kung talagang gusto niyang pabulaanan si Madriaga, huwag sa caption, huwag sa press statement, huwag sa paikut-ikot na soundbite. Humarap siya sa komite, manumpa, at sumagot,” dagdag niya.

Iminungkahi rin ni Ortega ang paglagda sa bank waiver para ma-verify ang mga alegasyon.

“Kung ‘pure fiction’ pala ang testimonya ni Madriaga katulad ng pakulo nila, dapat humarap si VP Sara sa Justice panel at mag-under oath,” aniya.

Habang sa ICC ay pag-uusapan ang hurisdiksyon, sa Kamara naman ay hinahanap ang probable cause. Dalawang proseso, magkaibang pamantayan, pero iisang tanong ang tinutukan ng publiko: ano ang lalabas na katotohanan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles