Itinalaga ng Malacañang si film and television director at dating Taguig City mayor Lino Cayetano bilang bagong general manager ng state-run People’s Television Network, o PTV-4.
Inanunsyo nitong Miyerkules ni Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez ang appointment ni Cayetano, na papalit sa liderato ng government television network.
Ayon kay Gomez, dala ni Cayetano ang malawak na karanasan sa media, private sector, at public service.
Binanggit ni Gomez ang “rare wealth of experience from the media, the private, and the public sector” ni Cayetano, na aniya ay makatutulong para dalhin ang PTV-4 sa mas mataas na antas sa gitna ng nagbabagong multimedia landscape.
Si Cayetano ang may-ari ng Rein Entertainment.
Nagsilbi rin siyang mayor ng Taguig City mula 2019 hanggang 2022.
Bago ito, naging representative siya ng Taguig City 2nd District mula 2013 hanggang 2016.
Kapatid siya ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa kasalukuyan, pinamumunuan ang PTV-4 in acting capacity ni Malou Choa-Fagar, na nagsilbing acting general manager mula August 2025.
Nagpasalamat naman si Gomez kay Fagar sa pamumuno sa state-run television network.
“I would also like to extend my profound gratitude to GM Fagar for her service to the station and the nation,” ani Gomez.
Itinatag noong 1974, ang PTV-4 ay state-operated television network ng gobyerno at nasa ilalim ng supervision ng Presidential Communications Office.
Sa bagong appointment, inaasahang papasok si Cayetano sa PTV-4 dala ang kanyang background sa television, film production, local governance, at legislative work. /Bistado


