Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Korea, tinambakan muli ang Gilas sa exhibition event

Muling nangapa ang Gilas Pilipinas sa kanilang shooting at dinurog ng South Korea, 69-42, sa pagtatapos ng kanilang two-game friendly sa Hana Bank Invitational sa Suwon KT Sonicboom Arena sa Gyeonggi Province nitong Linggo.  

Agad na pinabagsak ng home team ang mga Pilipino matapos magtala ng 19-0 run kasunod ng unang basket ng laro na ipinuntos ni Sedrick Barefield para sa Gilas.  

Tinapos ng big man na si Brandon Ganuelas-Rosser ang tagtuyot ng puntos ng Pilipinas matapos maipasok ang dalawa niyang free throw bago matapos ang opening quarter.  

Hindi naging maganda ang sitwasyon para sa Gilas sa mga sumunod na minuto habang patuloy na nag-ipon ng puntos ang home team at umabot sa 37 ang kanilang pinakamalaking kalamangan.  

Dumating ang 27-point na tambakan dalawang araw lamang matapos din talunin ng South Korea ang Gilas sa kanilang unang friendly noong Biyernes, 81-55.  

Si Zavier Lucero, may taas na 6’6”, lamang ang nagtapos na may double figures (14 puntos) para sa national team na muling nahirapan sa field matapos mag-shoot ng 36 porsiyento, kabilang ang 12 porsiyento mula sa three-point line.  

Nagdagdag si Adrian Nocum ng siyam na puntos habang may pito si Barefield.  

Hindi nakapuntos si Justin Baltazar ngunit nakakuha ng 10 rebounds, habang nagdagdag naman ng walong rebounds ang kapwa big man na si Brandon Bates, may taas na 6’9”.  

Nag-shoot si Yu Ki-sang ng 5-of-8 mula sa three-point range upang pangunahan ang South Korea na may 15 puntos.  

Ginamit ng Pilipinas at South Korea ang dalawang friendly bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan, kung saan magsisimula ngayong linggo ang mga laban sa basketball.  

Dumating kahapon sa Aichi Prefecture sa Japan ang Gilas Pilipinas. Kasama nila sa Asiad Pool C bracket ang Bahrain, Kazakhstan at China. 

Unang makakaharap ng Gilas ang Bahrain sa Setyembre 11, Kazakhstan sa Setyembre 12 at China sa Setyembre 14.

Malabong maglaro ang naturalized player na si Justin Brownlee dahil sa mga injury sa tuhod at hamstring.  

Na-una nang kinumpirma ni coach Tim Cone na hindi maglalaro sa Asiad ang mga overseas Filipinos na kasali sa ibang propesyonal na liga sa Korea at Japan.

Wala ang mga Gilas Pilipinas regulars na sina Dwight Ramos, AJ Edu, Quentin Millora-Brown, Jamie Malonzo, Carl Tamayo at Kevin Quiambao.  

Si Kai Sotto, bagamat walang liga sa kasalukuyan, ay may inaayos tungkol sa hangad na makapaglaro sa National Basketball Association.

“Me and out staff will be better and we’ll be better in helping our players prepare for what’s ahead,” ani Cone. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles