Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Nagoya Asian Games, umpisa na sa Setyembre 10

Magsasama-sama ngayong buwan ang mga nangungunang atleta ng rehiyon para sa 20th Asian Games, ang pinakamalaking multi-sport event sa kontinente, na gaganapin sa Aichi-Nagoya sa Japan.

Magsisimula ang ilang kompetisyon sa Setyembre 10 at magtatagal hanggang Oktubre 4. Opisyal namang sisiklab ang palaro sa Setyembre 19, kasabay ng opening ceremony.

Mahigit 15,000 atleta ang inaasahang maglalaban sa 469 na event sa 43 sports, kabilang ang mga Olympic at non-Olympic disciplines. Magsisilbi rin ang 2026 Asian Games bilang Olympic qualifier sa ilang sports, kung saan nakataya ang mga direktang quota spot at ranking points.

Karamihan sa mga kompetisyon ay idaraos sa Nagoya City, kabisera ng Aichi Prefecture. May ilang event din na gaganapin sa ibang lugar sa Japan, kabilang ang swimming, diving at equestrian sa Tokyo, habang sa Izu naman gaganapin ang track cycling. Gagamitin ang ilan sa mga venue na itinayo para sa Olympic Games Tokyo 2020.

Ang China, Japan at Korea ang tatlong tradisyonal na powerhouse sa Asian Games. Mula 1978, ang tatlong National Olympic Committee na ito ang patuloy na nagtatala ng pinakamaraming gold medal sa bawat edisyon ng Asian Games.  

Aasa ang Pilipinas sa magkapatid na gymnast na Carlos at Karl Eldrew Yulo, pole vaulter na si Ernest John Obiena, at tennis superstar na si Alexandra Eala. Aabangan din ang defending champion na men’s basketball team.

Kabilang sa mga bituing atleta ng China ang two-time Olympic champion at six-time world champion na artistic gymnast na si Zou Jingyuan, gayundin ang kanyang teammate at 2021 all-around world champion na si Zhang Boheng, na siya ring defending all-around champion.

Kasama rin sa kanilang hanay ang teenage swimming sensation na si Yu Zidi, diver na si Wang Zongyuan, swimming world record holder na si Pan Zhanle, at ang kasalukuyang world No. 1 sa table tennis na sina Wang Chuqin at Sun Yingsha.

Para naman sa Japan, muling sasabak ang dating women’s world No. 1 at three-time world champion sa badminton na si Yamaguchi Akane.

Pangungunahan naman ng triple Olympic champion at reigning world all-around champion na si Hashimoto Daiki ang malakas na men’s artistic gymnastics team ng Japan, kasama ang kasalukuyang Olympic all-around title holder na si Oka Shinnosuke. Makikilahok din ang surfer na si Kanoa Igarashi, na nag-silver sa Tokyo 2020 noong 2021.

Sa Republic of Korea, kabilang sa mga pangunahing pangalan ang world at Olympic champion ng badminton na si An Seyoung. Malakas din ang kanilang men’s baseball team, na binubuo ng mga manlalaro mula sa KBO (Korea Baseball Organization) League, kabilang ang ilan na lumahok ngayong taon sa World Baseball Classic. Mataas din ang inaasahan sa Korea esports team, na kinabibilangan ni “Faker” o si Lee Sanghyeok.

Isa sa mga pangunahing kinatawan ng India si Lovlina Borgohain, ang 2023 women’s middleweight boxing world champion at Tokyo 2020 bronze medalist. Hangad niyang ma-upgrade sa gold ang silver medal na kanyang nakuha sa 2023 Hangzhou Asian Games.

Magpapadala rin ang India ng malalakas na T20 cricket teams na pangungunahan nina Shreyas Iyer at Harmanpreet Kaur. Tatlong panalo lamang ang kailangan ng bawat koponan para ma-uwi ang titulo, dahil parehong magsisimula sa quarterfinals ang men’s at women’s teams. Paborito rin ang kanilang hockey teams.

Mula naman sa Singapore, muling sasabak ang 2021 badminton world champion na si Loh Kean Yew at ang reigning Asian Games women’s 200m athletics champion na si Veronica Shanti Pereira.

Para sa Malaysia, hindi kasama sa kanilang badminton squad si Lee Zii Jia. Sa halip, kabilang sa pinakamalalaking pangalan ng kanilang delegasyon ang women’s doubles pair na sina Pearly Tan at Thinaah Muralitharan. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles