Pinanindigan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ₱11.49 milyong pananagutan ng kontratista ng siyam na palapag na gusaling gumuho sa Angeles City, Pampanga noong Mayo.
Bahagi ng danyos ang hindi nabayarang benepisyo ng mga manggagawa at seryosong paglabag sa occupational safety and health (OSH) standards bago ang insidente. Pananagutin ang Golden Years Construction and Steelworks Corporation at Ernest Jackson Lim.
Kabilang sa kabuuang halaga ang ₱1.17 milyon para sa hindi nabayarang sahod habang umiiral ang Work Stoppage Order (WSO), kulang na pasahod, hindi nabayarang rest day premium at holiday pay.
Pinagtibay din ng DOLE ang ₱10.32 milyong administrative fines na ipinataw sa mga respondent dahil sa patuloy na OSH violations bago gumuho ang gusali.
Nilagdaan ni Labor Secretary Francis Tolentino noong August 17 ang resolusyong nagbago sa June 16, 2026 order ng DOLE matapos pagbigyan ang motion for reconsideration nina John John Dogos Placidas, Michael Dogos Placidas at Alfredo Aibis Balute.
Kinilala sa resolusyon ang karapatan ng mga manggagawa sa rest day premium at hindi nabayarang sahod habang ipinatutupad ang WSO mula October 16 hanggang 24, 2025. Dahil dito, nadagdagan ang monetary award para sa mga apektadong manggagawa.
Ibinasura naman ang pahayag ng mga respondent na hindi sila nabigyan ng due process. Lumitaw sa mga rekord na maayos silang naabisuhan at nabigyan ng sapat na pagkakataong magpaliwanag at magharap ng ebidensya.
Kabilang sa mga natukoy na paglabag ang kabiguang magbigay ng personal protective equipment, kumuha ng kinakailangang permit para sa mechanical lifting equipment, magtalaga ng required safety officers at first aiders, at maglaan ng pansamantalang matutuluyan ng mga manggagawa.
Lalo pang nagpabigat sa mga paglabag ang pagsusumite ng peke at invalid na certificates para sa itinalagang first aider at safety officer ng proyekto.
Ayon sa DOLE, ipinakita ng mga ito ang patuloy at sinasadyang hindi pagsunod sa OSH standards na naglantad sa mga manggagawa sa panganib ng malubhang pinsala o kamatayan sa kabila ng naunang enforcement action at abiso tungkol sa mga kakulangan.
Binigyang-diin ni Tolentino na patuloy na legal na obligasyon ng mga employer ang pagsunod sa OSH standards at pagpapanatili ng ligtas na kondisyon sa trabaho. Dahil dito, itinuring na ganap na makatwiran ang administrative fines.
Inatasan ang mga respondent na bayaran ang monetary award at administrative fines sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng resolusyon. /Bistado


