Nag-deploy ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga tauhan, sasakyan at humanitarian assistance and disaster response assets sa mga binahang lugar sa Central Luzon at Metro Manila dahil sa patuloy na epekto ng habagat.
Ipinakalat nitong Sabado ang mga disaster response team sa Tarlac, Pampanga at Bataan upang tumulong sa mga local government unit at disaster response agency sa rescue operations, gayundin sa paghahatid at pamamahagi ng relief supplies.
Sa Metro Manila, nagsagawa rin ng rescue at evacuation operations ang AFP National Capital Region Command, sa pamamagitan ng 12th Civil-Military Operations Battalion, sa mga binahang komunidad sa Marikina at Caloocan.
Sa Barangay 176-A, Bagong Silang, Caloocan City, tinulungan ng mga sundalo na mailikas ang 74 pamilya o 296 indibidwal patungo sa ligtas na lugar sa Phase 4. Sa Barangay 176-B, tumulong ang mga tauhan ng AFP at Barangay Task Force sa pagpapalikas sa mga residente mula sa kanilang mga bahay patungo sa mga itinalagang ligtas na lugar.
Sa Barangay Malanday, Marikina City, nakipagtulungan naman ang mga sundalo sa mga lokal na responder upang ilikas ang mga residente sa Malanday Elementary School at iba pang evacuation center.
Tumulong din ang AFP sa pamamahagi ng pagkain at 3,000 bote ng mineral water sa mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Malanday Elementary School.
Nananatiling naka-standby ang mga yunit ng AFP habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.
Patuloy din nitong binabantayan ang mga binahang lugar, lebel ng tubig at pangangailangan para sa karagdagang rescue, evacuation at relief operations. /Bistado


