Pinanatili ng Japan Credit Rating Agency (JCR) ang “A-” investment-grade credit rating ng Pilipinas na may stable outlook, tanda ng patuloy na tiwala sa katatagan ng ekonomiya ng bansa sa gitna ng Middle East conflict at iba pang panganib sa pandaigdigang merkado.
Kapwa saklaw ng “A-” rating ang foreign at local currency long-term obligations ng bansa.
“The Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) welcomes Japan Credit Rating Agency (JCR)’s affirmation of the Philippines’ investment-grade credit rating. This reflects continued confidence in the country’s sound fundamentals amid external headwinds,” pahayag ni BSP Governor Eli Remolona Jr.
Ayon sa JCR, sinusuportahan ang rating ng matatag na domestic demand, mababang external debt at sapat na foreign exchange reserves. Gayunman, binabantayan din nito ang paghina ng paglago, kalagayan ng pampublikong pananalapi at mga hamon sa imprastraktura, rural development at hindi pagkakapantay-pantay ng kita.
“The rating action comes at a time of heightened uncertainty, including the Middle East conflict. It underscores the importance of maintaining sound policies and sustaining reforms that support investment and productivity,” ani Remolona.
Mahalaga ang sovereign credit rating dahil ginagamit ito ng mga investor, kabilang ang mga pension at global investment funds, sa pagtataya sa kakayahan ng isang bansa na magbayad ng utang.
Ang mataas at matatag na rating ay maaari ring makatulong upang makapangutang ang pamahalaan sa mas mababang halaga. Maaari nitong paluwagin ang gastos sa pagbabayad ng interes at magbigay ng mas malaking puwang para sa imprastraktura at mga serbisyong pampubliko.
Kapareho ng JCR assessment ang matatag na pananaw ng iba pang pangunahing international rating agencies. Hawak ng Pilipinas ang “BBB+” rating na may stable outlook mula sa Standard & Poor’s Global Ratings, habang “Baa2” na may stable outlook naman ang ibinigay ng Moody’s Ratings.
“For its part, the BSP will continue to promote price stability, safeguard financial stability, and ensure safe and efficient payments and settlements. These efforts support sustainable growth and broader economic opportunities for Filipinos,” dagdag ni Remolona. /Bistado


