Hindi dapat tuluyang abandunahin ang mahahalagang flood control at shoreline protection projects dahil lamang sa mga nakaraang anomalya, ayon kay Deputy Speaker Janette Garin.
Kasabay ng inaasahang pagsusumite sa Kongreso ng proposed 2027 National Expenditure Program (NEP) ngayong linggo, sinabi ni Garin nitong Lunes na dapat ilaan ang pondo sa validated high-risk areas at lagyan ng mahihigpit na safeguard laban sa katiwalian.
“Alam n’yo, na-demonize kasi ’yung flood control projects,” ani Garin sa isang online press conference. Dahil umano sa mga kuwestiyonable at substandard na proyekto, nadamay maging ang lehitimong infrastructure na kailangan ng flood-prone communities.
Halimbawa rito ang shoreline protection sa kanyang coastal district sa Iloilo, na nakatutulong na protektahan ang mga bahay laban sa pagtaas ng tubig, high tide at pag-apaw ng mga ilog.
“These are actually important projects to protect communities,” aniya.
Hindi kinumpirma ni Garin ang eksaktong flood-control allocation sa proposed NEP. Ngunit ayon sa kanyang pagkakaalam, muling sinuri ang mga proyekto sa validated high-risk areas at maaaring pondohan.
“Kung walang nakalagay, although ang pagkakaalam ko, ’yung needed areas na talagang na-validate ay nalagyan, malalagyan,” sabi niya.
Nag-coordinate umano ang Department of Budget and Management (DBM), Department of Public Works and Highways (DPWH) at local governments para sa site inspections, project boundaries, technical specifications at iba pang requirement.
“With the proper alignment, doon sa tinatawag na red areas, talagang kailangan-kailangan. And with the proper watchdogs, kailangan talaga siyang maibalik,” ani Garin.
“Kailangan ito bantayan, but it does not mean to say na ihihinto natin,” dagdag niya.
“Kung ihinto mo nang tuluyan ’yung programang iyan, paano naman ’yung good projects? Paano naman ’yung communities that we need to protect?”
Ayon kay Garin, kabilang umano sa pinag-aaralang safeguard ang pag-blacklist sa contractors na responsable sa substandard projects, bagama’t hindi pa niya kinumpirmang final na ito.
Sinabi rin niyang dapat may malinaw na parameters ang anumang budget adjustment. Maaari lamang umanong magkaroon ng makatwirang amendments o errata kapag nagbago ang kondisyon, gaya ng paglipat ng daloy ng ilog, pagguho ng lupa o pagbagsak ng isang lugar.
Dapat may malinaw umanong justification at sumailalim sa pagsusuri ng House leadership at Committee on Appropriations ang anumang reallocation.
“Kasi hindi naman dapat commodity na binibenta ang programa ng gobyerno,” giit ni Garin. /Bistado


