Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

752K katao naperwisyo ng pinagsamang epekto ng Luis, Maymay, Habagat

Umabot na sa 223,000 pamilya o 752,000 katao ang apektado ng walang humpay na pag-ulan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region, Calabarzon at Mimaropa bunsod ng pananalasa ng tropical depressions Luis at Maymay at enhanced Habagat.

Bineberipika ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga ulat na walong katao ang nasawi dahil bunsod ng mga unos. 

Ayon kay OCD public information officer Diego Mariano, dalawa sa mga iniulat na namatay sa Benguet ay nasawi umano sa landslide.

Tatlo naman ang nasawi sa Rizal—dalawa dahil umano sa rockslide at isa matapos mabagsakan ng puno. Sa Batangas, tatlo ang iniulat na namatay dahil sa pagkalunod, electrocution at landslide.

Siyam ang nasugatan—pito sa Benguet at tig-isa sa Rizal at Cavite. May isa ring nawawala sa Batangas.

Nasa 412 evacuation centers ang binuksan para sa halos 10,000 pamilya o 34,400 katao.

Tinatayang 300 bahay ang napinsala, kabilang ang 276 partially damaged at 24 totally damaged.

Umabot naman sa P1.12 bilyon ang inisyal na pinsala sa infrastructure.

Nasa P135.3 milyon naman ang paunang pagtataya ng Department of Agriculture (DA) sa pinsala at pagkalugi sa agrikultura. Apektado nito ang 6,010 magsasaka, 4,516 ektarya ng sakahan at tinatayang 4,465 metric tons ng produksiyon.

Naghahanda ang DA ng P106.5 milyon halaga ng binhi at iba pang agricultural inputs. Maaari ring umutang ang mga magsasaka ng hanggang ₱25,000 sa zero-interest Survival and Recovery Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council, na babayaran sa loob ng tatlong taon.

“Kailangan nating mabilis na kumilos ang ating mga tauhan on the ground upang agad na matanggap ng mga apektadong magsasaka ang tulong na kailangan nila, lalo na ang kanilang insurance claims at credit support. Kung mas mabilis nating mapoproseso ang mga ito, mas mabilis ding makababangon ang mga magsasaka at makababalik sa produksyon,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles