RODRIGUEZ, RIZAL — Nagsampa ng kasong kriminal ang Manila Electric Company (Meralco) laban sa dalawang indibidwal na sangkot sa hindi awtorisadong pagtanggal ng electric meter sa isang subdivision noong Abril 8.
Nakuhanan ng video ang insidente na kalaunan ay kumalat sa social media. Makikita sa footage ang isang lalaki na pilit tinatanggal ang metro ng isang residente kahit may pagtutol at walang ipinakitang pagkakakilanlan o awtorisasyon.
Ayon sa Meralco, lumabas sa kanilang imbestigasyon na ang naturang indibidwal ay kumilos base sa utos ng may-ari ng property.
Dahil dito, naghain ang kumpanya ng reklamo para sa malicious mischief sa Rizal Provincial Prosecution Office dahil sa sinadyang pagkasira ng kanilang ari-arian.
Sinabi ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga na agad naibalik ang kuryente ng apektadong customer at sinimulan ang imbestigasyon matapos malaman ang insidente.
Binigyang-diin ni Zaldarriaga na pag-aari ng Meralco ang mga electric meter at hindi maaaring tanggalin o galawin nang walang tamang awtoridad.
Nagbabala rin ang kumpanya laban sa mga nagpapanggap na empleyado, at pinaalalahanan ang publiko na ang mga lehitimong tauhan ay may uniporme, company ID, at opisyal na work order, at gumagamit ng malinaw na marked na sasakyan.
Hinimok din ng Meralco ang publiko na i-report sa kumpanya at sa mga awtoridad ang mga kahalintulad na insidente habang patuloy ang kanilang koordinasyon para mapigilan ang mga ilegal na gawain. /Bistado


