SUBIC BAY — Nagpatupad ng pansamantalang bawas-singil ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para maibsan ang tumataas na gastos sa pantalan dulot ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa SBMA, may limang porsyentong bawas sa mga pangunahing bayarin sa pantalan. Kabilang dito ang harbor, berthing, anchorage, at cleaning fees, pati na ang mga singil sa kargamento gaya ng wharfage at storage.
Ipinatupad din ang parehong limang porsyentong bawas sa bahagi ng ahensya sa iba pang serbisyo, kabilang ang pilotage, tugboat at hauling, line handling, equipment rental, bunkering, at containerized cargo handling.
Bukod sa bawas-singil, nagbigay rin ang SBMA ng karagdagang insentibo. Kabilang dito ang libreng storage para sa non-containerized cargo at dalawang araw na extension ng free storage period para makatulong sa mga importer at consignee sa pamamahala ng kanilang kargamento.
Pansamantala ring sinuspinde ng ahensya ang ilang koleksyon at planong pagtaas ng bayarin. Kasama rito ang bahagi sa liquid bulk cargo handling, ang isang porsyentong admission fee para sa liquid bulk, at ang nakatakdang sampung porsyentong pagtaas sa general cargo charges.
Ayon kay SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño, layunin ng mga hakbang na mapanatiling mababa ang gastos sa logistics at maiwasan ang pagkaantala ng supply chain sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Sinabi rin ni Aliño na inaasahang makapagbibigay ang mga hakbang ng humigit-kumulang P76 milyon na suporta sa loob ng isang taon. Sa halagang ito, nasa P49 milyon ang mula sa bawas-taripa habang nasa P25 milyon ang mula sa suspensyon ng ilang bayarin.
Dagdag niya, mananatili ang mga hakbang na ito hanggang sa maging maayos ang kondisyon sa pandaigdigang merkado, at anumang pagbabago ay dadaan sa pag-apruba ng SBMA board. /Bistado


