Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Commuter group, nanawagan sa DOTr: Itigil ang taas-singil, ayusin ang seguridad sa NAIA 

MANDALUYONG CITY — Nanawagan ang commuter network na The Passenger Forum (TPF) sa Department of Transportation na agad itigil ang umiiral na fee order sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at aksyunan ang sunod-sunod na problema sa seguridad sa pangunahing paliparan ng bansa.

Sa apat na pahinang demand letter na inihain nitong Huwebes, April 16, iginiit ng TPF na kailangan ng agarang aksyon laban sa tumataas na singil at paulit-ulit na safety failures sa NAIA.

Nangyari ang paghahain ng liham sa gitna ng desisyon ng gobyerno na magbigay ng pansamantalang fee relief sa 44 commercial airports na pinapatakbo ng Civil Aviation Authority of the Philippines simula Abril 1, 2026, dahil sa oil crisis. 

Hindi kabilang ang NAIA dahil kakailanganin pang amyendahan ang MIAA Administrative Order No. 1, Series of 2024 para maipatupad ang bawas-singil dito.

Ayon sa TPF, “unjust and unreasonable” ang mga singil sa NAIA at dapat suspindihin ang implementasyon ng naturang administrative order.

Iginiit ng grupo na pinagbabayad ang mga pasahero kahit wala pang naitatayong bagong major facilities ang New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang private concessionaire na nagpapalakad na ngayon sa NAIA.

“NNIC has yet to construct any new major facilities or structures,” ayon sa liham, pero pinagbabayad pa muli umano ang publiko para sa imprastrakturang “taxpayers already paid for.”

Batay sa fee order na inilabas ng Manila International Airport Authority noong Setyembre 2024, itinakda ang passenger service charge sa P950 para sa international departing passengers at P390 para sa domestic departing passengers, kasama ang iba pang regulated fees.

Binigyang-diin ng TPF na nagsimula ang pagtaas ng singil noong Setyembre 14, 2024, kasabay ng pag-takeover ng NNIC sa operasyon ng NAIA.

“Filipino taxpayers have already paid for NAIA Terminals 1, 2, 3 and 4…but now passengers and taxpayers are being asked to again pay even more for the same old facilities,” ayon sa grupo. “Huwag nyo naman po kami hayaan gisahin sa sariling mantika!”

Kinuwestiyon din ng TPF ang pahayag na 82 porsyento ng terminal fees ay napupunta sa gobyerno.

“We have also encountered NNIC’s and DOTr’s false claims that the government receives 82% of the Passenger Service Charge…Alam po namin na walang 82% share ang gubyerno sa Terminal Fees,” ayon sa liham.

Iniugnay rin ng grupo ang usapin ng singil sa kaligtasan ng pasahero. Noong Abril 3, bumagsak ang ceiling panel sa NAIA Terminal 1 at ikinasugat ng hindi bababa sa pitong tao. Binanggit din ang insidente noong Mayo 4, 2025 kung saan nasira ang bollard sa parehong terminal na ikinamatay ng dalawang katao.

Ayon sa TPF, ang mga insidenteng ito “further highlights the urgent need for the government to act decisively and perform its legal duty to protect public safety and security.”

Dagdag pa nila, “these repeated lapses demand more than quick fixes,” at nanawagan sila ng komprehensibo at transparent na safety audit sa lahat ng pasilidad ng NAIA.

Para kay Mark Quinto, National Advocacy Officer ng TPF, malinaw ang panawagan ng grupo.

“Hindi pwedeng pataas nang pataas ang singil habang sunod-sunod ang aberya at safety issues. Kung kayang bigyan ng relief ang mga pasahero sa ibang paliparan, lalong dapat protektahan ang publiko sa NAIA,” ani Quinto.

“Ang hinihingi namin ay malinaw. Suspindihin ang fee order, magsagawa ng transparent na safety audit, at managot ang mga responsable. Hindi lang ito usapin ng airport convenience. Bulsa, buhay, at karapatan ng pasahero ang nakataya,” dagdag niya.

Ipinadala ang liham kay Acting Transportation Secretary Giovanni Z. Lopez, at nagpadala din ng kopya rin kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay MIAA General Manager Eric Jose Ines. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles