Marami naman ang nagtataka kung bakit daw biglang nawala o tinake-down na sa The Julius Babao Unplugged ang naging panayam ng main host nitong si Julius Babao kay Jeremiah Rosales.
SI Jeremiah ang nakababatang kapatid ng mahusay na aktor na si Jericho na kamakailan nga ay naging laman ng mga balita dahil sa naging pagtakas nito sa mga taga-rehabilitation center kung saan dapat daw itong ipasok.
Matatandaang naging balita ang ginawang pagtakas ni Jeremiah at umuwi ito sa Bicol at pansamantalang naging “construction worker” doon para mabuhay.
Mayroon siyang asawa at anak na nakiusap sa kuya Jericho niya para siyaý mahanap at maibalik sa “rehab center”sanhi ng problema nito sa adiksyon sa droga at iba pang substance.
Dating model at artista si Jeremiah though hindi gaya ng kuya niya, hindi siya gaanong nagkaroon ng maraming oportunidad sa showbiz.

Si Jericho na din ang balitang kumalinga dito pati sa kanyang pamilya hanggang sa kanyang pagpapa-rehab at nito ngang kanyang pagtakas.
Dahil sa naturang mga pangyayari ay kinapanayam ito ng Youtube Channel show ni Julius at na-promote na nga nitong unang linggo ng Agosto para mapanood.
May mga ilang netizen ng nakapanood ng naturang episode, nang bigla na lang umano itong nawala o tinanggal.
Ayon pa sa ilang ulat batay sa mga nakapanood, tila “nabulgar” sa naturang panayam ni Babao kay Jeremiah ang diumanoý pagmamanipula ng aktor sa kapatid at ang kakaibang klase ng pagtulong/trato rito.
Tila daw hindi ito maganda para sa imahe ng aktor.
May mga nagtatanggol naman at nagsasabing kung hindi nila alam ang buong kwento at ‘dynamics’ ng family set up at sitwasyon ay hindi dapat naghahanap ng “butas” sa relasyon ng magkapatid.
Ayon pa sa napag-alaman ng BISTADO, personal palang nakiusap ang pamilya ni Jeremiah partikular si Jericho na kung posible daw itong tanggalin “to protect Jeremiah’s privacy, health, state of mind and his family’s sake.”
Klinaro naman ito ng staff ni Julius at sinabi ding madali namang napakiusapan at nauunawaan ng batikang journalist-vlogger ang pakiusap ng pamilya ni Jericho.


