Hiniling ng Nestlé Philippines sa gobyerno na gumamit muna ng malinaw na scientific data bago taasan ang buwis sa sugar-sweetened beverages.
Sinabi ni Nestlé Philippines Senior Vice President at Head of Corporate Affairs Jose Uy III na suportado ng kompanya ang mga polisiyang humihikayat ng healthy lifestyle.
“We are not against a policy that helps encourage Filipino healthy living. That is part of us and our purpose,” ani Uy sa isang briefing nitong Huwebes.
Gayunman, sinabi niyang dapat munang sumailalim sa scientific assessment, regulatory impact analysis at malawak na konsultasyon sa mga industriya at iba pang stakeholder ang anumang malaking pagbabago sa sugar tax.
Pinag-aaralan ng mga mambabatas ang Progressive Tax Reform and Growth for Resilience, Opportunity, and Sustainability (ProGRESS) bill, na naglalayong itaas sa ₱20 kada litro ang excise tax sa mga inuming gumagamit ng regular sugar.
Mas mataas na ₱40 kada litro naman ang ipinapanukalang buwis sa mga inuming gumagamit ng high-fructose corn syrup.
Maaaring maapektuhan ng panukala ang Nestlé Philippines at iba pang kompanyang nagbebenta ng iba’t ibang beverage products.
Ayon kay Uy, kailangang matukoy muna kung makakamit ng mas mataas na buwis ang target nitong health benefits. Dapat ding isaalang-alang ang magiging epekto nito sa presyo at accessibility ng pagkain at inumin.
Sinabi naman ni Nestlé Nutrition Advocacy Lead Ivy Sicat na kailangang magtakda muna ang gobyerno ng malinaw na baseline.
Dapat aniyang tukuyin ng Department of Health (DOH) kung gaano kalaki ang aktuwal na kontribusyon ng sugar sa diet ng mga Pilipino at kung magdudulot ng makabuluhang improvement sa kalusugan ang dagdag na buwis.
Iginiit din niyang kailangang suriin ang kabuuang diet ng mga Pilipino. Maaaring matabunan ang ibang nutritional gaps, kabilang ang kakulangan sa protein at fiber, kung sa sugar lamang itutuon ang polisiya.
Nilinaw ng Nestlé na hindi nito tinututulan ang regulation. Hinihiling lamang nitong matiyak sa pamamagitan ng scientific evidence at konsultasyon na magiging epektibo ang dagdag na buwis nang hindi labis na pinapamahal ang pagkain at inumin para sa consumers. /Bistado


