Umaasa si House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na bibigyan ng Senate impeachment court ang House prosecution panel ng buong pagkakataon na mailatag ang ebidensya nito sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Chua nitong Linggo, mahalagang umusad ang trial sa paraang nagtataguyod ng katotohanan, accountability, at due process.
Nakatakdang magsimula sa July 6 ang trial proper sa impeachment case ni Duterte sa Senado.
Sinabi ni Chua na ilang buwan nang naghahanda ang House prosecution panel at nananatili itong tutok sa pagprisinta ng ebidensya sa Senate impeachment court.
“Kami po ay matagal nang naghahanda at sa abot ng aming makakaya syempre gagawin namin lahat,” sabi ni Chua sa panayam sa dzBB’s Bantay Balita sa Kongreso with Nimfa Ravelo and Isa Avendaño-Umali.
Ayon kay Chua, pangunahing hiling ng prosecution na payagan ng impeachment court ang magkabilang panig na mailahad nang buo ang kanilang ebidensya.
“Ang hinihiling namin talaga sa impeachment court ay bigyan kami ng pagkakataon na mailatag ng maayos ang aming mga ebidensya,” sabi niya.
Binigyang-diin ni Chua na hindi dapat tratuhin ang impeachment trial na parang ordinary court proceeding na nadodomina ng technical rules.
“Hindi naman ito kagaya ng ordinary proceedings ng court na talagang mamumuhay tayo sa technicality,” sabi niya.
“Kasi dapat ang tingnan natin dito kung gaano kahalaga itong impeachment trial sa ating bansa dahil ang pinag-uusapan dito ay accountability. Kaya dapat manaig dito kung ano ang katotohanan,” dagdag ni Chua.
Nahaharap si Duterte sa impeachment allegations na kinabibilangan ng misuse of confidential funds, unexplained wealth, bribery involving Department of Education personnel, at threats laban sa top officials ng bansa. /Bistado


