Ilang most wanted persons sa Region 1 ang sunod-sunod na nalambat ng pulisya sa isinagawang pinaigting na manhunt operations noong Abril 15, ayon sa Police Regional Office 1 (PRO1).
Ayon sa PRO1, kabilang sa mga naaresto ang Top 3 most wanted ng rehiyon na nadakip sa Bautista, Pangasinan. Ang 22-anyos na caretaker ay nahaharap sa tatlong bilang ng statutory rape.
Sa hiwalay na coordinated inter-regional operation, isang 45-anyos na construction worker ang naaresto sa Tantangan, South Cotabato. Kinilala siyang Top 4 most wanted ng rehiyon at nahaharap sa kasong rape of a minor.
Sa Alaminos City, Pangasinan, nasakote rin ang No. 1 most wanted ng lungsod, isang 21-anyos na lalaki, dahil sa kasong statutory rape.
Samantala, apat na lalaki na edad 19, 23, 38, at 65 ang naaresto sa Solsona, Ilocos Norte sa kasong frustrated murder. Ang mga ito ang Top 1 hanggang Top 4 most wanted ng bayan, at may piyansang itinakda sa P200,000 bawat isa.
Sa Santiago, Ilocos Sur, nadakip ang isang 18-anyos na residente na Top 2 most wanted ng lugar. Nahaharap siya sa paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na walang inirerekomendang piyansa.
Papagabi naman nang maaresto ang isang 68-anyos na school sa Sta. Barbara, Pangasinan. Siya ang Top 3 most wanted ng bayan at nahaharap sa apat na bilang ng sexual assault kaugnay ng Republic Act 7610, na inamyendahan ng Republic Act 11648. Ang inirekomendang piyansa ay P180,000 kada bilang.
Ayon sa pulisya, ang lahat ng naarestong indibidwal ay nasa kustodiya na ng kani-kanilang operating units para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Binigyang-diin ni PRO1 Regional Director PBGEN Dindo R. Reyes ang kahalagahan ng koordinasyon sa matagumpay na operasyon.
“Through strengthened intelligence efforts and seamless coordination among our units, we are closing in on fugitives who threaten public safety,” ani Reyes.
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga pugante.
“This momentum will be sustained as we intensify our manhunt operations across and beyond the region,” aniya. /Bistado


