BAGUIO CITY — Sa gitna ng tumitinding epekto ng krisis sa langis dulot ng tensyon sa Middle East, isang simpleng inisyatiba ang umusbong sa Camp 7, Kennon Road para tulungan ang mga tsuper na hirap nang bumiyahe.
Tinawag na “commuters’ pantry,” inilunsad ito ng Baguio Commuters’ Network ang inisyatiba para magbigay ng pagkain sa mga jeepney driver na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Hango sa community pantry noong pandemya, nagsimula ang grupo sa maliit na pondo mula sa sariling bulsa. Naglatag sila ng paunang suplay na bigas at de-latang pagkain bilang panimula, kasabay ng pagpapakalat ng impormasyon para makahikayat ng donasyon mula sa komunidad.
Hindi nagtagal, dumagsa ang tulong mula sa iba’t ibang sektor. Bukod sa bigas at sardinas, may nagbigay ng itlog, gulay, gatas at iba pang pagkain. Unti-unting naging community-driven ang operasyon ng pantry, na sinusuportahan ng mga residente at miyembro ng barangay.
Sa loob ng halos tatlong linggo, araw-araw na umaabot sa 48 tsuper ang natutulungan ng pantry. Malaki ang naibsan nito sa kanilang pang-araw-araw na gastos, lalo na sa panahong bumababa ang kita dahil sa mahal na krudo.
Kapag may natitirang supply, ipinamimigay rin ito sa iba pang nangangailangan sa komunidad tulad ng maliliit na vendor at persons with disabilities. Gayunman, inuuna pa rin ang mga tsuper na direktang apektado ng krisis sa transportasyon.
Sa kasalukuyang sitwasyon, kapansin-pansin ang pagbawas ng mga bumibiyahe sa hapon dahil sa taas ng gastos sa krudo. Marami sa mga driver ang napipilitang tumigil nang maaga, dahilan para lalong lumiit ang kanilang kinikita sa isang araw.
Dahil dito, nagsilbing pansamantalang sandalan ang commuters’ pantry, hindi lamang para sa pagkain kundi para sa kaunting ginhawa sa gitna ng hirap ng pamamasada.
Patuloy namang nananawagan ang Baguio Commuters’ Network ng in-kind donations para mapanatili ang operasyon ng pantry. Umaasa ang grupo na sa tulong ng komunidad, maipagpapatuloy ang pagbibigay ng suporta sa mga tsuper at iba pang nangangailangan habang nananatiling mataas ang presyo ng langis. /Bistado


