Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang agarang imbestigasyon sa paghawak ng 911 emergency call para sa isang 71-anyos na lalaki sa Taguig City.
Inilabas ang utos matapos mag-viral ang Facebook post ni Basty Askri., na nagsabing matagal bago nasagot ang kanyang tawag habang nangangailangan ng emergency assistance ang kanyang ama.
“Halos 10 minutes na akong tumatawag sa 911 pero wala pa ring sumasagot,” ayon kay Askri.
Kinuwestiyon din niya ang kagamitan ng rumespondeng ambulansya, kabilang ang kawalan umano ng automated external defibrillator (AED), at ang kakayahan ng mga responder na magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR).
Inireklamo rin niya ang umano’y narinig na tawanan at pag-uusap sa kabilang linya habang hinihintay ang emergency response.
“Rinig na rinig ko pa yung tawanan at chikahan habang may taong nangangailangan ng emergency assistance,” aniya.
Ayon kay Askri, inatake ang kanyang ama kaya siya mismo ang nagsagawa ng CPR habang hinihintay ang ambulansya. Pagdating umano nito, wala itong sapat na kagamitan at walang responder na pumalit sa kanya.
“At nung dumating na ang ambulansya, walang AED. Walang sapat na gamit. Walang pumalit sa akin sa pag-CPR. Ako pa rin ang gumagawa ng CPR,” saad niya.
Kalaunan ay nasawi ang ama ng uploader.
Batay sa initial report ni DILG Emergency Call 911 Director Francis Fajardo, natanggap ang tawag dakong 12:15 p.m. noong Sabado, August 15. Ang pasyente ay nasa Maharlika Village, Taguig City at iniulat na dumanas ng mild stroke.
Naipasa umano ang tawag sa Taguig Command Center dakong 12:17 p.m. Kinilala ng command center ang emergency at nangakong magpapadala ng ambulansya.
Gayunman, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na wala pa ring confirmation sa records ng DILG kung na-dispatch o nakarating ang ambulansya kahit nag-follow up dakong 4:57 p.m. at 5:56 p.m.
Lumilitaw din umano sa initial report na nagkaroon ng problema sa shift handover at endorsement ng kaso, kaya sinisiyasat kung paano ito na-monitor matapos maipasa sa local command center.
“We are investigating the matter with all seriousness,” sabi ni Remulla.
Idinokumento na ni Fajardo ang insidente bilang bahagi ng imbestigasyon. /Bistado


