Lumalakas ang interes ng mga Pinoy sa digital investing, dahilan para maging positibo ang GCash sa paglago ng GStocks PH matapos lumampas sa 2 milyon ang users ng online stock investment platform.
Ayon kay GCash Wealth Management General Manager Darvin Sy Su, malakas ang interes sa GStocks PH mula sa first-time investors. Nakatutok ngayon ang platform sa pag-convert ng maagang interes sa regular na investing habits.
Powered ng AB Capital Securities, ginawa ang GStocks PH para sa mass retail market. Walang minimum deposit na kailangan para magbukas ng account.
Mahigit 2 milyon na ang users nito, na bumubuo sa majority ng online retail stock accounts sa Philippine Stock Exchange.
Kasabay nito ang paglaki ng retail participation sa stock market.
Batay sa PSE data, tumaas ng 27.3 porsiyento ang kabuuang market accounts at umabot sa 3.64 milyon noong 2025. Retail investors ang bumubuo sa 99.2 porsiyento ng accounts habang lumago ng 30.5 porsiyento year-on-year ang online retail accounts.
Bahagi ang GStocks PH ng mas malaking GInvest ecosystem ng GCash na kinabibilangan din ng GFunds, GBonds at GCrypto.
Nasa 5 milyon ang users ng GFunds habang 750,000 naman ang GBonds. Patuloy din ang paglaki ng users ng GCrypto.
Kasabay ng pagpapalawak ng access sa investment products, tinututukan din ng GCash ang financial literacy.
Nagdagdag ang platform ng beginner guides at AI-powered Pera Coach para tulungan ang users na maintindihan ang investment tools.
“We’re doubling down on literacy to help Filipinos understand and use these tools,” sabi ni GCash New Businesses Head Winsley Bangit.
Sa pagdami ng online retail investors, nakatutok ang GCash sa paghikayat sa first-time investors na gawing regular na bahagi ng kanilang financial activity ang pag-iinvest. /Bistado


