Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Grupo, nanawagan sa DOE: Ipatupad VAT exemption sa natural gas para bumaba singil sa kuryente

Nanawagan ang isang consumer advocacy group sa Department of Energy (DOE) na agarang maglabas ng malinaw na panuntunan para maipatupad ang bagong tax exemption na inaasahang magpapababa ng singil sa kuryente.

Ayon sa CitizenWatch Philippines, dapat tiyakin ng pamahalaan ang buong implementasyon ng regulasyon ng Bureau of Internal Revenue o BIR na nagtatanggal ng 12 percent value-added tax (VAT) sa pagbili, pagbebenta, at kuryenteng nagmumula sa indigenous natural gas.

Bahagi ang VAT exemption na ito ng Philippine Natural Gas Industry Development Act, na may layuning palakasin ang lokal na produksyon ng enerhiya, pagandahin ang energy security, at protektahan ang mga konsyumer laban sa pabago-bagong presyo ng fuel sa pandaigdigang merkado.

Giit ng grupo, dapat ay nararamdaman na ng mga household at negosyo ang benepisyo ng batas, ngunit ang pagkaantala sa implementasyon ang pumipigil para makarating ang posibleng tipid sa mga konsyumer.

Ayon kay CitizenWatch co-convenor Kit Belmonte, mahalaga ang papel ng DOE sa paggabay sa mga energy companies at sa pagtitiyak na maayos at napapanahon ang pagpapatupad ng polisiya.

Sinabi niya na ang tax break ay idinisenyo para gawing mas abot-kaya ang kuryente sa pamamagitan ng pagpapababa ng gastos mula sa lokal na pinagkukunan ng enerhiya, at dapat na makita na ang pagtitipid sa mga electric bill.

Nanawagan din ang CitizenWatch sa mga power generator at iba pang industry players na agad i-adjust ang kanilang pricing at billing para ipakita ang VAT exemption, alinsunod sa bagong patakaran.

Idinagdag pa ng grupo na mahalagang mapababa ang singil sa kuryente lalo na sa panahon na nananatiling hindi stable ang global fuel prices, na patuloy na nakaapekto sa mga bansang umaasa sa imported energy tulad ng Pilipinas.

Ayon sa grupo, ang paggamit ng mas maraming lokal na energy sources ay makakatulong para patatagin ang presyo at mabawasan ang epekto ng galaw ng international market sa singil sa kuryente. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles