Tatangkain ng Rain Or Shine at Barangay Ginebra na tapusin na ang quarterfinals sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Center Antipolo ngayong Biyernes.
Unang maghaharap simula 5:15 p.m. ang ROS at San Miguel Beer, na susundan ng laban ng Ginebra sa Phoenix simula 7:30 p.m.
No. 2 ang Ginebra at No. 3 ang ROS sa pagtatapos ng elimination round kaya hawak nila ang twice-to-beat bonus.
Kung aabot sa playoff, nakatakda ang laban sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Noong 2018 at 2023, kampeon ang Ginebra sa Commissioner’s Cup kasama pa rin ang import na si Justin Brownlee.
“We know we have a work cut out for us,” ani Ginebra coach Tim Cone. “But right now, we’re focused on playing one game.”
Tinalo ng Ginebra ang Phoenix sa elimination round, 109-96, noong Abril 12.
Sa parte ni ROS coach Yeng Guiao, hindi nya nais na muling makaharap pa ang San Miguel.
“’Pag umabot ng second game, then the pressure will be on us,” ani Guiao.
Para kay San Miguel coach Leo Austria, mahirap kalaban ang ROS.
“First half ng tournament, talagang namayagpag sila, 7-0. Nagkaroon lang sila ng injuries later on, a couple of last-second losses. Pero for me they’re really a contender,” ani Austria
Hindi rin biro ang statistics ng ROS, dagdag pa ni Austria — una sa scoring (112 ppg), transition points (24.83), assists (26.83) at turnover points (20.17).
“Kailangan ma-contain namin ‘yung kanilang running game. Imagine, in five seconds nakaka-score sila. We have to sprint back and stop the ball,” ani Austria.


