Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Gatchalian pormal nang nahalal bilang Senate President matapos makuha ang ika-13 boto

Pormal nang nahalal si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian bilang Senate President nitong Miyerkules, June 17, matapos makuha ng kanyang bloc ang kailangang 13 boto sa special session ng Senado.

Dumalo si Sen. Joel Villanueva at sumama sa bagong majority, dahilan para makumpleto ang bilang na kailangan ng Gatchalian bloc. Lahat ng 13 senador na present ay bumoto para kay Gatchalian.

Walang objection na naibato matapos siyang i-nominate ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri kasunod ng roll call.

Isang oras bago ang session, umatras si Sen. Alan Peter Cayetano sa kanyang claim sa pagkapangulo ng Senado. Wala ring ibang miyembro ng kanyang bloc ang dumalo.

Matapos manumpa si Gatchalian, nahalal si Sen. Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President Pro Tempore. Si Sen. JV Ejercito ay nahalal bilang Senior Deputy Majority Leader, habang si Villanueva naman ang Deputy Majority Leader.

Nanumpa rin si Zubiri bilang chair ng Senate committee on rules, matapos siyang mahalal noong June 3 pero hindi pa noon nakapanumpa.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gatchalian na nais niyang pamunuan ang Senado na tutok sa tao at solusyon.

“Ang nais natin ay isang Senado para sa tao. Isang Senado na bukas sa pakikipag-usap. Isang Senado na nakatuon sa solusyon.”

Inilarawan din niya ang Senate presidency bilang mabigat na pananagutan.

“Ang pagkakataong maglingkod bilang Senate President ay hindi pangkaraniwang karangalan. Ito ay araw-araw na panawagan na maging huwaran sa paglilingkod. Higit sa lahat, ang tungkuling ito ay pananagutan — sa Senado, sa ating Saligang Batas, at sa sambayanang Pilipino,” sabi ni Gatchalian.

Hinimok niya ang mga senador na isantabi ang political differences at tutukan ang urgent measures sa taas-presyo ng fuel at basic commodities, epekto ng Mindanao earthquake, at banta ng Super El Niño.

Ang special session ay ipinatawag ni President Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Proclamation No. 1318 para aksyunan ang priority measures, pending Commission on Appointments business, at expiring promotions ng senior military officers. Kasabay ding nag-convene ang House of Representatives.

Noong June 3, nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President matapos dumalo ang 12 senador. Sapat iyon para sa quorum sa ilalim ng Avelino Doctrine, pero kapos ng isang boto para pormal siyang mahalal bilang Senate President.

Kinuwestiyon ito ng Cayetano bloc at dinala sa Supreme Court sa bisperas ng special session, kung saan hiniling nilang ipawalang-bisa ang June 3 session at ibalik ang Senate leadership positions bago ang naturang session.

Hindi dumalo sa June 17 session sina Cayetano, Pia Cayetano, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, Loren Legarda, Camille Villar, at Mark Villar.

Si Sen. Jinggoy Estrada ay nasa 90-day preventive suspension mula sa Senate duties habang nahaharap sa graft charges kaugnay ng flood control controversy. Si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa naman ay nananatiling nagtatago habang may warrant of arrest ng International Criminal Court sa kasong crimes against humanity.

Kinumpirma rin ng Senado si Sen. Erwin Tulfo bilang chair ng Blue Ribbon Committee, kasama si Sen. Kiko Pangilinan bilang vice chair. Ang panel ang hahawak sa imbestigasyon sa large-scale embezzlement ng public flood control funds.

Ayon kay Zubiri, lahat ng miyembro ng bagong majority ay uupo bilang members ng accountability and investigations panel, maliban kay Sen. Francis “Chiz” Escudero. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles