LANAO DEL SUR – Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang P77.2 million na halaga ng umano’y smuggled cigarettes sa isang joint intelligence-driven operation sa Picong, Lanao del Sur noong June 15.
Ayon sa ulat, bahagi ang operasyon ng mas pinaigting na kampanya ng PNP laban sa economic crimes.
Arestado sa operasyon ang 15 adult male suspects na umano’y naaktuhang naghahakot at nagbabantay ng undocumented cigarette shipments sa makeshift storage facilities sa coastal area.
Apat pang indibidwal, na kinilala lamang sa kanilang aliases, ang nananatiling at-large.
Limang menor de edad naman ang natagpuan sa lugar at agad na ini-refer sa kaukulang social welfare office para sa proper care and intervention.
Narekober ng mga awtoridad ang 1,803 master cases at 139 reams ng assorted cigarette brands, katumbas ng mahigit 90,000 reams, na pinaniniwalaang pumasok sa bansa sa ilegal na paraan.
Nakuha rin sa operasyon ang isang M14 rifle, na kasalukuyang isinasailalim sa kaukulang examination bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon.
Inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek para sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines, Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law, at Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act. /Bistado


