Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Gasolina, bagsak-presyo ng P4.30/litro; Diesel, may P2.60 taas-presyo

Malaking rollback sa gasolina ang sasalubong sa mga motorista ngayong Martes, October 20, ngunit tataas naman ang presyo ng diesel sa panibagong oil price adjustments na kinumpirma ng Department of Energy (DOE).

Batay sa DOE advisory para sa October 20 hanggang 26, bababa ng P4.30 kada litro ang gasolina, habang tataas ng P2.60 ang diesel at diesel plus. May P1 rollback din sa kerosene.

Sakop ng P4.30 bawas-presyo ang RON 91, RON 95 at RON 97 gasoline. Kinumpirma rin ng Seaoil at Jetti Petroleum ang kaparehong adjustments.

Sa rollback, makatitipid ng P172 ang motoristang magpapakarga ng 40 litrong gasolina at P215 sa 50 litro.

Pero dagdag-gastos ang diesel hike para sa mga pampublikong sasakyan, delivery trucks at negosyong umaasa sa transportasyon ng produkto.

Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, nakatulong sa pagbaba ng presyo ang emergency oil stock releases ng mga miyembro ng International Energy Agency, kasunduan ng United States at Russia sa diesel supply, at karagdagang refined fuel exports ng China.

Nakaambag din ang humihinang demand at lumalaking suplay ng gasolina sa Asia.

Gayunman, nananatiling mataas ang presyo ng langis dahil sa tensiyon sa Middle East.

Batay sa DOE monitoring noong October 13 hanggang 19, nasa P87.90 kada litro ang average na regular gasoline sa Metro Manila, P91.40 ang diesel at P124.40 ang kerosene.

Mas mataas pa rin ito kaysa noong February, bago lumala ang sigalot sa Middle East, nang nasa P53 ang regular gasoline at P60.79 ang diesel kada litro.

Ikatlong sunod na linggo na itong magkakaiba ang galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles