Naglunsad ang AIA Philippines ng bagong investment-linked insurance plan na may potensiyal na magbigay ng kita kada tatlong buwan, bukod sa life insurance coverage hanggang edad 100.
Tinawag na AIA Advantage Max, ang single-premium plan ay available sa Philippine peso at US dollar at nagbibigay ng access sa mga global investment fund.
Dalawang fund ang pagpipilian: Global Dynamic Income Paying Fund (GDIF), na may historical annualized payout rate na mahigit 6 porsiyento, at Global Adventurous Income Fund (GAIF), na target ang 7 porsiyento kada taon.
Gayunman, hindi garantisado ang quarterly payouts at maaaring magbago depende sa performance ng investments at kondisyon ng merkado.
“Successful investing is achieved through diversification, professional management, disciplined risk management, and staying focused on long-term goals. Equally important is ensuring that the wealth you build is protected,” sabi ni AIA Philippines Chief Investment Officer Goh Chong Yong.
May start-up bonus din na hanggang 5 porsiyento ng single premium na ipamamahagi sa unang limang taon, alinsunod sa policy conditions.
Pagsapit ng ika-10 taon, maaari ring makatanggap ng loyalty bonus na 2 porsiyento ng average monthly account value sa nakaraang 60 buwan. Maaari itong ibigay kada limang taon kung pasado sa requirements.
Sakop ng life insurance ang policyholder hanggang edad 100, na may death benefit na katumbas ng mas mataas sa 125 porsiyento ng single premium o 105 porsiyento ng account value, kasama ang credited start-up bonuses.
Ayon sa AIA, guaranteed ang pag-isyu ng policy nang hindi na kailangan ng medical examination.
Pinaalalahanan naman ng kumpanya ang mga interesadong kumuha ng plan na may kaakibat pa ring investment risks ang produkto. Maaaring bumaba ang halaga ng pondo at hindi matuloy ang inaasahang payouts depende sa galaw ng merkado. /Bistado


