Sa kasalukuyang tagumpay ni Alex Eala sa international tennis at kwalipikasyon muli ng Philippine football team sa FIFA Women’s World Cup, pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na masundan ng national men’s football team ang parehong tagumpay.
Ipinahayag ni Marcos ang saloobin sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
“Sa nag-uumapaw natin suporta kay Alex Eala, sana ay marami ang maengganyo para matuto at maglaro hindi lamang ng tennis kundi ng iba pang sport. Sa halimbawa ng Filipinas women’s football team, sana rin ay mas sumikat pa ang football sa ating bansa at marami ang maglaro,” ani Marcos.
Sinabi ng Pangulo na inaasam nya ang araw na makapasok ang men’s team sa FIFA World Cup, na ginaganap kada apat na taon.
“Balang araw, baka makasali na ang Pilipinas sa (FIFA) World Cup,” dagdag nya.
Nagpasalamat ang Philippine Football Federation (PFF) sa Pangulo dahil sa pagbanggit nito sa mga tagumpay ng football sa kanyang SONA.
“Sama-sama natin i-angat ang Pilipinas sa global stage ng football,” pahayag ng PFF sa kanilang Facebook page.
Sa kabila ng hamon, sinabi ni midfielder Sandro Reyes na napakalayo pa sa kasalukuyang iniisip ng koponan ang paglahok sa 2030 FIFA World Cup.
Sinabi ni Reyes na nakatuon lamang ang koponan sa mga agarang laban.
“I think the World Cup is something that’s very far out of our eyesight right now. Today, we’re just thinking about the (ASEAN) Hyundai Cup, and then we think about the next ASEAN Cup or the Asian Games,” ani Reyes, na naglalaro rin para sa German fourth division club na Gutersloh.
“We think about the friendlies to start qualifying for the World Cup again, so I think that’s something that’s not really in our minds right now.”
Kinabukasan matapos ang SONA, tinalo ng Myanmar ang Pilipinas, 4-1, sa Hyundai Cup (kilala dati bilang ASEAN Football Federation Cup) na ginanap sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac.
Gayunman, tiniyak ni Reyes na pagsisikapan pa rin nila na makapasok sa 2030.
“For sure, day by day we’ll try to work hard to get better. That’s all we can control,” dagdag nya.
Hangad ni Reyes na ang pagbanggit ng Pangulo sa football sa kanyang SONA ay makahikayat sa iba’t ibang sektor na mamuhunan sa koponan.
“It would be nice to get even more support than we are getting, so we can achieve those goals that he is saying,” ani Reyes.


