Hindi sumipot sa National Bureau of Investigation (NBI) sina dating House Speaker Lord Allan Velasco at asawa niyang si Rowena kaugnay ng imbestigasyon sa alegasyon ng cash deliveries na inilabas ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr.
Sa halip, ipinadala ng mag-asawa ang kanilang mga abogado, na humiling sa NBI ng palugit hanggang Huwebes para makasagot sa mga alegasyon ni Gracioso.
Ayon kay Gracioso, inutusan umano siya ni Velasco na maghatid ng pera na nakalagay sa mga maleta sa mga miyembro ng pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang si Vice President Sara Duterte, na kasalukuyang humaharap sa impeachment trial.
Humiling naman ang kampo ni Velasco ng kopya ng affidavit ni Gracioso mula sa NBI.
Ayon kay Atty. Rowel Ilagan, isa sa mga abogado ni Velasco, personal na magkakilala sina Velasco at Gracioso.
Hindi naman nakumpirma ni Ilagan kung nagsilbi bilang security aide ng dating Speaker ang dismissed policeman.
Nauna nang naiulat na umalis ng bansa si Velasco noong August, habang lumipad naman palabas ng Pilipinas ang kanyang asawa noong nakaraang buwan.
Tiniyak ng mga abogado ng mag-asawang Velasco na sasagutin at pabubulaanan ng kanilang mga kliyente ang mga alegasyong ibinabato sa kanila. /Bistado


