Para kay award-winning actress- comedienne Eugene Domingo, kung may kakayahan ang isang tao na tulungan o tumulong sa isang kaibigan, gawin ito ng taus-puso at pagkatapos ay huwag umasang susuklian ito.
Iyan ang ipinahayag na saloobin ni Uge sa podcast interview sa kanya ng kilalang si Karmina Constantino kamakailan lamang.
Hinangaan nga kasi ng maraming netizen at aspiring actors ang magandang kaugalian ni Uge na nagulat sa mga naunang pahayag ni Dolly de leon sa mga interview nito.
Ayon kasi sa Golden Globe nominee actress, noon daw mga panahong wala siyang pinagkakakitaan at nangangapa ng trabaho sa local showbiz, ang itinuturing niyang ‘bff’ na si Uge ang halos bumuhay sa kanila.
Hindi lang daw nito tinulungan ang mga anak niya na makapag-aral kundi kinargo pa daw ng komedyante ang pagbabayad ng mga utilities nila sa bahay.
“Nakakagulat nga eh. Ikinuwento pa niya yun,” reaksyon naman ni Uge nang maitanong sa kanya ni Constantino ang naging saloobin at pasasalamat ni Dolly sa kanya.
Sa kasalukuyang estado kasi ng kanilang mga karera, mas nakilala at kinikilala ngayon si Dolly sa international scene kung saan nakakatrabaho niya ang malalaking pangalan sa Hollywood gaya ni Nicole Kidman at iba pang A-listers.
Pero para kay Uge, simpleng masaya at proud siya sa inabot ng kanyang best friend.
“She deserves everything that she is getting right now. She is very talented, masipag, mabuting tao at mahusay na ina at kaibigan. I could not be prouder enough,” dagdag pa ni Uge.
UP Diliman days pa lang daw nila at buhay teatro, kilala na nila ang isa’t-isa.
Nagkataon lang daw na medyo nauna siyang nagkapangalan sa local industry kung saan nagsimula din siya sa pinaka-mababang posisyon bago naging isang main TV host, lead actress at award-winning performer.
Para kay Uge ang pagiging matulungin at generous ay nakaangkla sa pagkatao ng isang nilalang.
“Kung kaya mong makatulong, sige gawin mo. Pero kung maghihintay ka ng sukli o dapat itong tanawin na utang na loob ng iyong tinulungan, parang hindi ganun ang paniniwala ko. Let it go. Kalimutan mo na,” saad ng actress.
Kaya daw sa nagawa niya sa kapatid sa turing niyang si Dolly, halos hindi na nga niya ito maalala.
Sey pa niya, “We’re sisters. You help your sister, brother. We have the same mentor, si Tony Mabesa. So kapag nakita mo ‘yung kasama mo sa paggawa ng maraming produksyon, kasama mo sa frustrations, successes… bakit walang pambayad ng kuryente? Walang pampaaral ng anak? Tapos ikaw na may extra, hindi mo ba tutulungan? And then pag tinulungan mo, kalimutan mo na. Hindi na para gawin siyang string to hold them closer. Kalimutan mo na ‘yun. Tinulong mo na ‘yun eh. Anong gusto mo, habang buhay tatanawin?”
Ayon pa kay Uge bilang isang born-Leo, “ma-protect ‘yan sa kanyang jungle. Gusto ko at least ‘yung mga nayayakap o nasasakop ng space ko ay maayos at masaya. Gusto ko, lahat tayo, gumagana ang creativity. ‘Yung generosity natin ay madali. Ayaw ko nang may nagugutom.”


