Nakikita ng Department of Agriculture ang malaking potensiyal ng Pilipinas na palakasin ang produksiyon ng enoki mushroom para sa lumalaking lokal at export markets.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mataas ang demand sa nasabing mushroom sa South Korea, Hong Kong, Singapore, ilang bahagi ng China at Middle East.
“If we can produce more because I think we have the land, we have the capability, nandiyan ang Korea, nandiyan ang Hong Kong,” ani Tiu Laurel sa sidelines ng inspeksiyon sa New Las Piñas City Public Market.
Tinukoy din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address ang potensiyal ng enoki mushroom sa international trade.
Bukod sa export opportunities, inaasahan ding patuloy na lalawak ang lokal na merkado para rito.
“Tingin ko ‘yung consumption din natin sa Pilipinas lalaki dahil ang sarap ng enoki mushroom, balutan mo ng bacon,” ani Tiu Laurel.
Umaabot sa tinatayang 6,200 metriko tonelada ng enoki mushroom ang inaangkat ng Pilipinas bawat taon upang tugunan ang lokal na pangangailangan.
Sa kabila ng mataas na global demand, iisa pa lamang umano ang modernong pasilidad na gumagawa ng lokal na enoki mushroom sa bansa.
Upang mapalawak ang produksiyon, hinimok ni Tiu Laurel ang mga kuwalipikadong magsasaka na gamitin ang credit programs ng pamahalaan.
“Farmers can go to ACPC (Agricultural Credit Policy Council) to do the regular agri(cultural) credit programs and pasok naman ito kasi mushroom din iyan (and this is included since it’s also mushroom),” ani Tiu Laurel.
Maaari umanong magtagumpay ang enoki farming sa iba’t ibang bahagi ng bansa basta may naaangkop na kagamitan, bagama’t mas mainam ang malalamig na lugar.
“Anywhere is OK, actually as long as may gamit but better cooler areas,” dagdag niya. /Bistado


