Hindi pinaporma ng pambato ng Pilipinas na si Alex Eala si Priscilla Hon ng Australia, 6-0, 6-2, upang simulan ang kanyang kampanya sa singles sa WTA 125 Birmingham Open sa United Kingdom noong Martes.
Matapos matalo sa kanyang doubles match noong nakaraang araw, bumawi si Eala sa Round of 32 ng kanyang unang torneo sa grass season.
Makakaharap ni Eala sa Round of 16 si Alina Charaeva ng Russia na tinalo si Greet Minnen ng Belgium, 6-3, 6-1.
Hindi nag-aksaya ng oras ang top seed ng torneo sa pagpapakita ng kanyang lakas laban kay Hon, na agad nagtala ng 6-0 panalo sa unang set sa loob lamang ng 22 minuto.
Nagpakita ng mas matinding paglaban si Hon, na kasalukuyang No. 143 sa world rankings, sa ikalawang set matapos makabawi ng magkasunod na laro nang makabuo si Eala ng 5-0 kalamangan.
Nabreak ni Hon ang serbisyo ni Eala sa unang pagkakataon sa laban at napanatili rin ang kanyang serbisyo upang mapababa ang agwat sa 5-2.
Tumugon ang world No. 37 na Pinay sa pamamagitan ng isang love hold upang tapusin ang laban wala pang isang oras.
Nagpasalamat si Eala sa mga Pilipinong tagahanga sa Birmingham na dumalo upang suportahan siya.
“Maraming salamat sa suporta. I didn’t expect to see so many Filipinos here. See you all tomorrow,” ani Eala.
Umangat si Eala sa head-to-head record laban kay Hon, 2-1.
Nanalo si Hon sa kanilang pinakahuling paghaharap sa Ningbo Open sa China noong Oktubre 2024, habang nagwagi naman si Eala sa kanilang unang pagtatagpo sa Roehampton sa London noong 2023.
Maagang natapos ang kampanya nina Eala at Nikola Bartunkova ng Czechia matapos silang matalo sa second-seeded na pares nina Harriet Dart at Maria Lumsden ng Great Britain, 4-6, 6-2, 11-9, noong Lunes ng gabi.


