Abot-Canada na ang sariwang durian at mangosteen ng Pilipinas matapos magpadala ang bansa ng halos isang metric ton ng dalawang tropical fruits, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Unang lumipad nitong Miyerkules, September 23, patungong Vancouver ang trial shipment na binubuo ng 300 kilo ng durian at 120 kilo ng mangosteen sakay ng Philippine Airlines.
Susundan ito ngayong Huwebes, September 24, ng ikalawang shipment patungong Toronto na may 300 kilo ng durian at 200 kilo ng mangosteen.
Sa kabuuan, aabot sa 920 kilo ang dalawang shipment.
Fresh Makers Ltd. ang buyer sa Vancouver. Ang kumpanya rin ang humawak sa unang commercial shipment ng fresh Carabao mangoes ng Pilipinas sa Canada ilang araw bago ang durian at mangosteen shipment.
Bahagi ang hakbang sa pagtutulak ng gobyerno na palawakin ang overseas markets ng Philippine agricultural products, dagdagan ang kita ng mga magsasaka at bawasan ang agricultural trade deficit ng bansa.
Lumampas sa $11 bilyon kada taon mula 2022 ang agricultural trade deficit ng Pilipinas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., target ng pagpapalawak ng exports na magbigay ng dagdag na kita sa farmers at suportahan ang economic activity sa mga probinsiya.
Kasunod din ang Canada shipments ng matagumpay na lingguhang pagpapadala ng Philippine durian sa France.
Pinapalawak ngayon ng DA ang export market para sa high-value crops tulad ng durian, cacao, coffee at okra habang naghahanda ng iba pang produkto para madagdagan ang agricultural exports ng bansa.
Nauna rito, nagpadala ang Pilipinas ng isang metric ton ng fresh Carabao mangoes sa Canada noong September 18, ang unang commercial shipment nito sa naturang merkado.
Mahigit 40 mango growers’ groups na rin ang pinagsama sa isang federation para palakasin ang supply quality, matugunan ang international standards at mapanatili ang access sa overseas markets.
Sa pagpasok ng fresh durian at mangosteen, nadagdagan ang mga produktong agrikultural ng Pilipinas na itinutulak ng DA sa Canadian market. /Bistado


