Binasura ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Huwebes ang paliwanag ng China na dulot umano ng konstruksyon sa BRP Sierra Madre ang komprontasyon sa Ayungin Shoal noong July 20.
Hindi kinumpirma ni Teodoro kung may konstruksyong ginagawa sa barko. Iginiit naman niyang walang dahilan ang mga tauhang pandagat ng China para pumasok sa lugar na sakop ng West Philippine Sea (WPS).
Naunang iginiit sa mga ulat mula sa China na nagtungo ang kanilang coast guard sa Ayungin Shoal para siyasatin ang umano’y konstruksyon ng mga Pilipinong sundalo sa BRP Sierra Madre. Paglabag umano ito sa “provisional agreement” ng dalawang bansa.
“Pinasukan nila ang isang lugar so nag-i-imbento na sila. Inimbento nila yung engkwentro, in-splice nila. Papaano pa tayo maniniwala diyan sa sinasabi niyan,” ani Teodoro.
Dalawang Pilipinong sundalo ang nasugatan sa sagupaan ng Philippine Navy at China Coast Guard noong Lunes. Kalaunan, matagumpay silang inilikas ng Philippine Coast Guard para mabigyan ng lunas.
Ayon kay Teodoro, hindi lamang simpleng paglala ng tensyon ang insidente kundi bahagi ng mas malawak na pagkilos ng China sa Pacific Ocean. Tinukoy rin niya ang mga agresibong aksyon ng Beijing laban sa Japan at Taiwan.
Binigyang-diin ng kalihim na dapat manatiling handa ang Pilipinas na ipaglaban ang dignidad nito bilang isang archipelagic state, lalo’t mas malawak ang teritoryong pandagat ng bansa kaysa lupain nito.
Samantala, nakipagpulong si Teodoro kay European Union (EU) High Representative for Foreign Affairs and Security Policy Kaja Kallas, na Vice President din ng European Commission.
Tinalakay nila ang pagpapalawak ng kooperasyong pangdepensa at panseguridad ng Pilipinas at EU.
Pinasalamatan ni Teodoro ang nagkakaisang suporta ng 27 miyembro ng EU sa 2016 Arbitral Award. Muli rin niyang inilahad ang pananaw sa Pilipinas bilang Archipelagic Sentinel and Guardian of the Freedom of the Seas.
Kabilang sa tinukoy na larangan ng kooperasyon ang seguridad ng supply chains, wastong paggamit ng teknolohiya, co-production, maritime security, cybersecurity at paglaban sa cognitive warfare at foreign information manipulation.
Nasa Pilipinas si Kallas para sa mga pulong ng ASEAN at mga aktibidad para sa ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation. /Bistado


