Nakatakdang maglunsad ang Bank of the Philippine Islands (BPI) ng stablecoin settlement system para gawing mas mabilis at mas mura ang pagpapadala ng pera mula sa ibang bansa.
Makikipagtulungan ang BPI sa global digital clearinghouse na Meridian sa pagtatayo ng bagong sistema. Uunahing saklawin ng pilot phase ang payroll ng mga manggagawa sa informal economy, kabilang ang freelancers at virtual assistants.
Ang stablecoins ay mga digital token na nakatali ang halaga sa matatag na salapi gaya ng US dollar. Ginagamit ang mga ito para mapabilis ang international transfers at mabawasan ang bayarin habang pinananatiling matatag ang halaga ng ipinadadalang pera.
Inaasahang makikinabang dito ang milyun-milyong Pilipino, kabilang ang overseas Filipino workers, online professionals at exporters na tumatanggap ng kita mula sa ibang bansa. Target ng proyekto na bawasan ang singil at paikliin ang paghihintay sa mga papasok na dollar payment.
“Filipinos move billions of pesos every year, and it is our responsibility to make sure that their money arrives faster, cheaper, and just as securely as it does today. Exploring stablecoin rails is a natural extension of BPI’s digitalization strategy and customer focus,” ani BPI President at Chief Executive Officer TG Limcaoco.
Matapos ang pilot phase, planong palawakin ang serbisyo sa lahat ng kuwalipikadong kliyente ng BPI bago ang 49th Association of Southeast Asian Nations Summit sa November.
Makikipag-ugnayan ang bangko sa Bangko Sentral ng Pilipinas habang isinasagawa ang proyekto at susunod sa lahat ng umiiral na regulasyon.
Ayon kay Meridian President at Chief Executive Officer Will Haering, nagpapakita ang BPI ng responsableng pamumuno sa ligtas na pagpasok ng malawak nang ginagamit na teknolohiya sa pormal na sistema ng pagbabangko.
Tiniyak ng BPI na mahigpit na ipatutupad sa trial operations ang proteksyon sa mga customer, malinaw na pag-uulat sa reserbang sumusuporta sa stablecoins at ganap na pagsunod sa mga regulasyon bago ang mas malawak na paglulunsad. /Bistado


