MAMASAPANO, Maguindanao del Sur — Arestado ang isang dating bomber umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na iniuugnay sa madugong Mamasapano clash noong 2015 na ikinasawi ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).
Nahuli ang suspek sa pinagsanib na operasyon sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano nitong Martes, July 21.
Ayon sa PNP, ang akusado ang No. 2 most wanted person sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at No. 1 most wanted person sa Maguindanao del Sur.
Batay sa rekord ng pulisya, sangkot umano ang suspek sa 2015 Mamasapano clash at sa pananambang sa mga tauhan ng PNP sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong March 28, 2026.
Inaresto siya sa bisa ng magkakahiwalay na warrant of arrest para sa multiple counts of murder, frustrated murder, attempted murder, robbery, at double murder with multiple frustrated murder. Isa sa mga kasong kinakaharap niya ang may rekomendasyong walang piyansa.
Lumitaw din umano sa rekord ng pulisya na tumanggap ang akusado ng pagsasanay sa paggawa at paggamit ng pampasabog mula kay alias “Marwan” at isa pang mataas na operatiba ng extremist group.
Kinilala rin siyang senior member at adviser umano ng Panenekelan Criminal Gang, na iniulat na may kaugnayan sa Dawlah Islamiyah-Hassan Group. Inaangkin din umano niyang miyembro siya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) 128 Base Command.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-BAR, Mamasapano Municipal Police Station, 34th Infantry Battalion ng Philippine Army at 44th Special Action Company ng PNP-SAF.
Dinala muna ang akusado sa Maguindanao Provincial Hospital para sa pagsusuring medikal bago ikinustodiya ng Mamasapano Municipal Police Station.
Nakatakda siyang iharap sa hukuman na naglabas ng mga warrant laban sa kanya. /Bistado


