Pinakilos ni Education Secretary Sonny Angara ang Department of Education (DepEd) para sa mabilis na disaster response sa mahigit 267 public schools na matinding naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Tumama ang lindol sa Maasim, Sarangani bandang 7:30 a.m. noong June 8, kasabay ng flag ceremony sa unang araw ng klase.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na maging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad, gumagamit tayo ng mga konkretong datos upang masigurong mabilis at tamang tulong ang nakakarating sa mga apektadong komunidad,” pahayag ni Angara.
“Ang prayoridad natin ngayon ay ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga guro at mag-aaral. Kailangan muna nating maiayos at mapatag ang sitwasyon sa ground bago natin ligtas na maibalik ang normal na daloy ng edukasyon sa mga silid-aralan,” dagdag niya.
Ayon sa DepEd, sinuspinde ang klase sa 8,208 paaralan dahil sa lindol, habang 818 paaralan naman ang nakabalik na sa in-person classes.
Sa initial assessment, 1,391 classrooms sa 267 public schools ang nakaranas ng iba’t ibang antas ng pinsala. Sakop ito ng 15 schools divisions sa 14 lalawigan sa limang rehiyon.
Pinakamaraming apektadong paaralan ang naitala sa Sultan Kudarat at South Cotabato.
Batay sa latest data nitong June 9, may 896 classrooms na nagtamo ng minor damage, 296 ang may major damage, at 199 classrooms ang tuluyang nawasak.
Bilang agarang tugon, nag-utos si Angara ng paunang P235.1 million allocation para sa deployment ng 130 fully equipped Learning Continuity Spaces sa mga apektadong rehiyon. May kasama itong emergency power at Starlink Wi-Fi connectivity.
Tiniyak din ng DepEd ang P258.98 million para sa printing at mabilis na delivery ng prepositioned learning packets sa affected learners.
Naglaan din ang ahensya ng P7.7 million para sa clean-up at clearing operations sa 267 schools, at P43.9 million para sa minor repairs ng classrooms.
Matapos ang validation, gagamitin ng DepEd ang standby na P3 billion Quick Response Fund para sa rebuilding at replacement ng mga nasirang school building.
Sa academic response, ipinatutupad ng DepEd ang Level 4-Hinto sa high-risk areas at inihahanda ang paglipat sa Level 3-Hinga gamit ang unstructured learning materials.
Nag-deploy na rin ang DepEd ng mga registered guidance counselor para sa Psychological First Aid at mental health screening.
Ayon sa DepEd, papayagan lang ang pagbabalik ng face-to-face classes kapag opisyal nang nainspeksyon at naaprubahan ng mga inhinyero ng DepEd, local coordinators, at mga eksperto sa istruktura ang mga pasilidad ng paaralan. /Bistado


