EL NIDO, Palawan – Naghain ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Mimaropa ng dagdag na apat na environmental complaints laban sa mga establisimyentong nag-o-operate sa loob ng El Nido Managed Resource Protected Area (ENMRPA) nang walang tamang environmental clearance.
Ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Palawan Officer-in-Charge Felizardo Cayatoc nitong Martes, inihain ang apat na bagong kaso sa Provincial Prosecutor sa Palawan, kaya umabot na sa 28 ang complaints kaugnay ng umano’y paglabag sa protected area.
“Itong 4 environmental complaints, karagdagan ito dun sa nai-file na namin sa provincial prosecutor kaya 28 na dito sa Palawan,” sabi ni Cayatoc.
Ayon sa DENR Mimaropa, sangkot sa complaints ang umano’y paglabag sa Section 18(n) at 18(o) ng Republic Act No. 7586, na inamyendahan ng Republic Act No. 11038 o Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act of 2018.
Ipinagbabawal ng batas ang pag-occupy sa protected areas, pagtatayo ng mga istruktura, at pag-o-operate ng mga business establishment nang walang kinakailangang permits at clearances.
“Particularly on the prohibition of occupation of protected areas, walang permiso or permit from the DENR at nag-occupy sila and then nag-construct ng (they do not have a permit and yet they occupied and constructed) structure,” sabi ni Cayatoc.
Nilinaw ni Cayatoc na hindi sapat ang business permit mula sa local government. Kailangang unahin ang clearance requirements mula sa DENR kung magtatayo sa loob ng protected zones.
“May mga certain na document, kasi kumuha ng business permit, pero hindi kasi appropriate yan especially kung yan nga protected area, dapat may clearance at ma-determine doon kung allowed talaga yung business mo or development mo na nilalagay sa lugar,” dagdag niya.
Binalaan din ni Cayatoc ang publiko laban sa maling akala na ang permit mula sa local government unit (LGU) ay awtomatikong pahintulot na magnegosyo kahit saan.
Isa sa mga complaints, ayon kay Cayatoc, ay may kaugnayan din sa Section 77 ng Presidential Decree No. 705, o Revised Forestry Code, na nagpaparusa sa unauthorized cutting at transport ng forest products.
“May mga ganyan na case na nagputol ng walang permit or hindi sila nag-secure ng permit from the DENR. It’s a violation also,” sabi ni Cayatoc.
Kinumpirma niyang may hindi bababa sa isang kaso na sangkot ang illegal tree cutting at conversion ng logs into lumber.
“May mga ganyan po na isang case na nagputol nang walang permit. Nagputol siya ng kahoy then converted them into lumber,” sabi niya.
May ilang aktibidad din umanong sadyang itinatago.
“Ginagawa nila sa gabi so tinatago talaga,” dagdag niya.
Ayon sa DENR, nagsisimula ang enforcement sa pamamagitan ng monitoring at pag-isyu ng mga Notice of Violation. Kapag hindi sumunod, sinusundan ito ng cease-and-desist orders bago iakyat ang kaso sa mga prosecutor.
Paliwanag ni Cayatoc, matapos ang due verification, binibigyan ang violators ng takdang panahon para magsumite ng documentary evidence.
Nasa evaluation na ng Provincial Prosecutor ang lahat ng 28 complaints upang matukoy kung may probable cause.
Dagdag ni Cayatoc, maaaring kabilang sa penalties ang forest charges, restitution, o iba pang sanctions depende sa magiging findings ng korte. /Bistado


