Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Ube industry pinalalakas: DA-BPI namahagi ng 60,000 planting materials sa Leyte, Bohol

Pinapalakas ng pamahalaan ang ube industry sa bansa matapos mamahagi ang Bureau of Plant Industry (BPI) ng mahigit 60,000 ube planting materials sa mga magsasaka sa Leyte at Bohol, habang lumalaki ang demand sa lokal at pandaigdigang merkado.

Pinangungunahan ng BPI ang inisyatiba kasama ang Philippine Root Crop Research and Training Center (PhilRootcrops), sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture (DA). Target nitong pataasin ang produksyon ng ube at palakihin ang kita ng mga magsasaka.

Mula June 15 hanggang 17, nagsagawa ang BPI at PhilRootcrops ng field monitoring at validation upang tingnan kung paano ginagamit ang mga ipinamahaging planting materials at makuha ang feedback ng mga benepisyaryo.

Saklaw ng proyekto ang 900 magsasaka mula sa mahigit 60 farmers’ associations sa mga pangunahing ube-producing areas sa Visayas.

Sa Bohol, kabilang ang Dagohoy, San Isidro, Lila, Cortes, at Albuquerque. Sa Leyte, kabilang ang Abuyog, Tacloban, Baybay, Bato, Maasin, Ormoc, Carigara, Mayorga, Palompon, Naval, Mahaplag, Kananga, Burauen, Calubian, at Inopacan.

Aabot sa halos P2.6 milyon ang halaga ng planting materials. Ito ang kauna-unahang malawakang programa ng BPI para sa distribusyon ng mga materyales sa pagtatanim ng ube.

Dumarating ang proyekto habang patuloy na sumisikat ang ube sa abroad. Mula sorbetes at pastry hanggang inumin, lumalawak ang market ng ube-flavored products sa North America, Europe, at iba pang bahagi ng Asya, na nagbubukas ng bagong oportunidad para sa Filipino farmers at food processors.

“Habang patuloy na nakikilala ang ube sa buong mundo, dapat nating tiyakin na ang mga magsasakang Pilipino ay makikinabang sa mga oportunidad na dulot nito,” ani ni BPI Director Glenn Panganiban. “Makakatulong ang inisyatibang ito sa paglalatag ng pundasyon para sa mas mataas na produksyon, mas malaking kita, at mas matatag na industriya ng ube sa bansa.”

Ayon sa BPI, layon ng monitoring na matiyak na nakararating ang tulong sa tamang beneficiaries at nagdudulot ng konkretong pagtaas sa produktibidad at kita.

Binisita ng validation teams mula sa Crop Research and Production Support Division, Property and Supply Section, at Internal Audit Unit ang beneficiary communities upang idokumento ang paunang resulta, tukuyin ang hamon, at mangalap ng datos para sa susunod na interventions.

Bukod sa planting materials, nagbibigay rin ang ahensya ng technical support at training para mapataas ang ani at masamantala ang lumalaking market.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tinutukoy ng pamahalaan ang high-potential agricultural products para sa export upang palakihin ang kita ng magsasaka at bawasan ang agricultural trade gap.

“Inatasan tayo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-develop ng mas marami pang produktong pang-export na makapagpapataas ng kita ng mga magsasaka at makalilikha ng mas malaking halaga para sa ekonomiya,” ani ni Tiu Laurel. “Ngayong kinikilala na ang ube sa pandaigdigang merkado, nakikita natin ang oportunidad upang palawakin ang produksyon, paramihin ang ini-export, at makatulong sa pagbawas ng mahigit USD10-bilyong taunang agricultural trade deficit ng bansa.” /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles