Bumibilis sa hindi pa dating nakitang antas ang pagtaas ng dagat sa buong mundo – banta sa mga tahanan, kabuhayan, suplay ng tubig at maging sa pag-iral ng ilang mabababang bansang pulo.
Ayon sa United Nations (UN), umiinit at lumalawak ang karagatan habang natutunaw ang glaciers at ice sheets. Itinutulak ng dalawang prosesong ito pataas ang sea level at binabago ang mga baybayin, river delta at komunidad sa Arctic.
Bawat coastal city, maliit na isla at river delta ay nahaharap ngayon sa hinaharap na huhubugin ng patuloy na pag-akyat ng tubig.
Halos 900 milyong tao ang kasalukuyang naninirahan sa mga low-lying coastal zone. Pagsapit ng 2050, mahigit isang bilyon ang maaaring malantad sa epekto ng tumataas na dagat.
“Sea level rise is no longer a future threat,” babala ng UN.
Ipinakikita ng datos na higit dalawang beses ang bilis ng pagtaas ng global mean sea level mula 2014 hanggang 2023 kumpara sa unang dekada ng satellite measurements mula 1993 hanggang 2002.
Batay sa mga pagtatayang binanggit ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), maaaring tumaas nang 15 hanggang 30 sentimetro ang average global sea level pagsapit ng 2050.
Mas mabigat ang hiwalay na displacement warning: ang sea-level rise at kaugnay na climate impacts ay maaaring mag-ambag sa paglikas ng hanggang 1.2 bilyong tao sa buong mundo sa parehong taon.
Ibig sabihin, mas maraming komunidad ang maaaring makipagsiksikan para sa ligtas na lupa, tirahan, imprastraktura at limitadong resources.
Hindi lamang paglubog o pagbaha ang problema. Maaaring itulak ng tumataas na dagat ang alat papasok sa freshwater sources. Kapag nakontamina ng saltwater ang pinagkukunan ng tubig, maaaring tamaan ang inumin, agrikultura at kalusugan.
Nanganganib din ang kabuhayan at cultural heritage ng mga baybaying komunidad. Para sa small island developing States at low-lying coastal countries, maaari pang umabot ang banta sa pagkawala ng teritoryo at mga usapin sa statehood.
Mas bulnerable ang maliliit na island state dahil limitado ang kanilang lupain, mataas ang exposure sa coastal hazards at kapos ang freshwater resources.
“Rising seas are sinking futures. They endanger coastlines, livelihoods…the very existence of States themselves,” ayon kay UN Secretary-General António Guterres.
Kasabay nito ang masalimuot na legal questions: Mananatili ba ang maritime zones kapag umurong o lumubog ang baybayin? Ano ang mangyayari sa estado at sa mamamayang direktang maaapektuhan? Sinuri na ng International Law Commission ang mga usaping ito sa ilalim ng international law.
Ilang dekada nang nasa agenda ng UN ang problemang ito. Direktang tinalakay ito ng General Assembly noong 1989. Sinundan ito ng SAMOA Pathway noong 2014, Antigua and Barbuda Agenda at unang high-level meeting noong 2024, at pagsulong ng legal work noong 2025.
Muling haharapin ng General Assembly ang sea-level rise sa isang high-level meeting sa Setyembre 24, 2026. Sentro ng usapan kung paano mapoprotektahan sa pamamagitan ng pandaigdigang kooperasyon ang mga tao, kultura, at mga bansang nanganganib sa patuloy na pagtaas ng tubig.
Malinaw ang mensahe: hindi na maaaring ituring na malayong problema ang sea-level rise. Habang tumataas ang dagat, umiiksi ang panahong natitira upang maghanda, magtulungan at protektahan ang mga komunidad na unang tatamaan. /Bistado


