Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA, naglabas ng P10-B cash assistance, sinuspinde ang loan payments para sa mga magsasaka at mangingisda

May higit apat na milyong magsasaka at mangingisda ang makakatanggap ng tulong-pinansyal mula sa pamahalaan habang sabay na ipatutupad ang pansamantalang suspensyon ng pagbabayad ng utang, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Simula April 15, inilunsad ng DA ang P10-bilyong Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP), isang cash assistance program na nagbibigay ng tig-P2,325 sa mahigit 4.17 milyong benepisyaryong magsasaka at mangigisda sa buong bansa. Ang programa ay pinondohan sa ilalim ng Republic Act No. 12314 o ang 2026 General Appropriations Act.

Target ng programa ang mga rice farmer na may lupang sinasaka na dalawang ektarya pababa, gayundin ang mga magsasaka ng mais at tubo na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), at mga mangingisdang nakatala sa National Program for Municipal Fishing Vessels and Gears Registration (BoatR).

Ayon sa DA, layunin ng ayuda na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na direktang tumatama sa gastos sa produksyon, kabilang ang paggamit ng makinarya, irrigation pumps, at bangka. Inaasahan din na makapagbibigay ito ng agarang pondo sa mga komunidad sa kanayunan para maiwasan ang pagkaantala sa produksyon ng pagkain.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na mahalaga ang tulong sa kasalukuyang sitwasyon.

“This financial assistance, while admittedly small, provides a lifeline for over 4.1 million Filipino farmers and fisherfolk hit hard by soaring petroleum product prices,” aniya.

Ayon sa DA, magsisimula ang unang bugso ng pamamahagi ngayong linggo sa Regions I, II, III, VI, at IX, habang inaayos pa ang master list at sistema ng distribusyon na naging hamon sa mga nakaraang malakihang programa.

Kasabay nito, inanunsyo rin ng DA ang pagpapatupad ng moratorium sa pagbabayad ng utang para sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC).

Batay sa pahayag ng ahensya, ang hakbang ay nakaangkla sa Administrative Order No. 2, series of 2017 na sumasaklaw sa Survival and Recovery (SURE) Program, na tumutulong sa sektor ng agrikultura sa panahon ng krisis at sakuna.

Ang loan moratorium ay alinsunod din sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng State of National Energy Emergency.

Sa ilalim ng programa, maaaring mag-apply ang mga borrower ng DA-ACPC na may kasalukuyang outstanding loans para sa suspensyon ng pagbabayad ng utang nang hanggang isang taon. Sasailalim sa pagsusuri at pag-apruba ng Partner Lending Conduits tulad ng government financial institutions, rural banks, at cooperative banks ang nasabing applications para sa loan payment suspension.

“The loan moratorium is not a standalone measure, but part of a coordinated government effort involving financing institutions, local lending partners, and Department of Agriculture agencies working on rural resilience,” ani Tiu Laurel.

“We are prioritizing immediate relief while strengthening long-term access to credit so our agricultural sector remains productive and stable despite external shocks, particularly rising fuel and fertilizer costs,” dagdag niya.

Ayon sa DA, layunin ng inisyatiba na maiwasan ang pagdami ng hindi makabayad ng utang, mapanatili ang galaw ng ekonomiya sa mga probinsya, at masuportahan ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Habang patuloy ang pagtaas ng gastos sa produksyon dahil sa enerhiya, nananatiling hamon ang pangmatagalang isyu tulad ng mataas na input costs, limitadong access sa financing, at epekto ng climate-related risks, ayon sa ahensya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles